Sugatan ang pangulo ng Eulogio Amang Rodriguez lnstitute of Science and Technology (EARIST) at kasamahan nito nang tambangan ng motorcycle rider sa Paco, Maynila, iniulat ngayong Miyerkules.
Kinilala ang biktima na sina Editha Pillo, 60, pangulo ng EARIST, taga-Paco, Maynila; at Catalino Buenvenida, 52, chief Motorpol Services sa EARIST, taga-Quezon City.
Inilarawan ang suspek na nakasuot ng itim na helmet, itim na jacket at maong pants at sakay sa motorsiklo na walang plaka.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Pandacan Police Station 10 (PS-10), naganap ang insidente sa Pedro Gil Street, kanto ng Antonio Isip St., sa Paco, bandang 6:56 ng umaga.
Sa salaysay ni Marlon Valdehueza, 48, saksi, kasasakay lamang nina Pillo at Buenvenida sa puting Toyota Fortuner (BNN-5033), na nakaparada sa naturang lugar, upang magtungo sa EARIST nang pumarada ang suspek sa tabi ng sasakyan ng mga biktima at pinagbabaril.
Sa pag-aakalang napuruhan ang target, humarurot ang suspek patungo sa direksyon ng P. Quirino Avenue habang isinugod ang mga biktima sa ospital.
Nagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.
-Mary Ann Santiago