Nakaligtas sa ambush ang alkalde ng Garchitorena, Camarines Sur, gayundin ang kanyang misis at dalawa pang kasama sa Barangay Toytoy, Garchitorena, Camarines Sur ngayong Lunes, dakong 1:25 ng madaling araw.
Ayon kay Police Major Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office 5
(PRO-5), tinambangan si Mayor Nelson D. Bueza; misis niyang si Yolly; at sina Errol Arcilla at Marcelo Sarmiento Aragdon habang binabagtas ang Fuentebella Highway.
Aniya, sakay ang mga biktima sa Isuzu MUX nang sumabog ang hinihinalang improvised explosive device (IED), na sinundan ng mga putok ng baril na tumama sa harap at kaliwang bahagi ng kanilang sasakyan.
Walang nasugatan sa insidente, ayon kay Calubaquib.
Nagsasagawa ng pursuit operation at imbestigasyon sa insidente.
-Niño N. Luces