Inaasahan ng Commission on Elections na itotodo na ngayong linggo ang mga motorcade at political rallies, sa mga natitirang araw ng pangangampanya para sa eleksiyon sa Lunes.
“During the last few days of the local campaign, there will be an increase in the number of motorcades, people on the streets, rallies on all hours of the day,” sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez sa isang panayam.
“It will spike in the last week, where there will be miting de avance and all the last push for candidates,” dagdag niya.
Magtatapos sa Sabado, Mayo 11, ang campaign period para sa lahat ng kandidato.
MITING DE AVANCE
Kaugnay nito, hinimok ni Jimenez ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking maluwag ang mga kalsada at iba pang mga lugar na pagdarausan ng mga campaign activities.
Pinaalalahanan din ng Comelec ang mga kandidatong magdaraos ng miting de avance, o huling campaign rally, na sundin ang mga panuntunan sa pangangampanya.
Ayon kay Jimenez, ang pagkakabit ng mga streamer at tarpaulin para sa miting de avance ay hindi maaaring lumampas sa 24 oras bago at pagkatapos ng event.
UMIWAS SA OVERVOTING
Samantala, muli namang nagpaalala ang Comelec tungkol sa maingat at wastong pagboto upang makaiwas sa “overvoting”, dahil masasayang nito ang balota, at ang boto.
Ayon kay Atty. Frances Arabe, director ng Comelec-Education and Information Division (EID), ang overvoting ay ang pagsobra ng kandidatong iboboto sa bilang ng mga posisyong dapat na iboto.
“So for instance kung 12 ang senators, dapat hindi ka boboto ng 13. Kung mayor, isa lang, then hindi ka dapat mag-shade ng dalawang mayor,” paliwanag ni Arabe sa panayam sa radyo.
Babala ni Arabe, kung magkakaroon ng overvoting ay mangangahulugan ito ang pagkabalewala ng boto ng botante, dahil hindi na ito bibilangin ng vote counting machines (VCMs).
UNDERVOTING, PUWEDE
Gayunman, puwedeng mag-undervote ng kandidato, o kaya ay huwag bumoto sa partikular na posisyon, at tatanggapin pa rin ng VCM ang balota.
Pinakamainam, ayon kay Arabe, na magdala ng kodigo, o listahan ng mga iboboto, ang botante upang makaiwas sa overvoting.
Leslie Ann Aquino at Mary Ann Santiago