NAISALPAK ni rookie Xavi Zubiri ang krusyal na goal sa krusyal na sandali para sandigan ang De La Salle sa makapigil-hiningang 1-0 panalo kontra Far Eastern University nitong Huwebes para makopo ang huling slot sa Final Four ng UAAP Season 81 men’s football tournament.
Determinado at agresibo ang Green Archers sa kabuuan ng laban, ngunit sadyang mahigpitan ang depensa sapat para mabigo ang bawat kampo na makagawa ng iskor.
Sa huling 10 minuto, nagpalitan ng pagtatangka ang magkabilang panig, bago nakasilip ng pagkakataon si substitute Zubiri para sa kauna-unahang UAAP goal at ibigay sa De La Salle ang pinakamalaking panalo sa season sa kasalukuyan. Tangan nila ang 25 puntos para masibak ang University of Santo Tomas sa Final Four race.
“I feel amazing right now,” sambit ni Zubiri.
Sa unang laban sa FEU-Diliman pitch, binokya ng defending champion University of the Philippines ang University of the East, 3-0, para makuha ang pagkakataon na maidepensa ang korona.
Ikalawang puwesto ang Fighting Maroons na may 26 puntos at makakahrap ang No. 3 Archers sa knockout semifinals sa susunod na linggo sa Rizal Memorial Stadium.
Nasa No.4 ang Tamaraws na may 24 puntos at makakaharap ang topnotcher Ateneo sa hiwalay na Final Four pairing.