Patay ang anak ng isang dating konsehal na umano’y kabilang sa drug watchlist ng pulisya matapos na tambangan ng riding-in tandem sa Sagay, Negros Occidental, nitong Huwebes ng gabi.

PANANAMBANG

Dead on the spot ang biktimang kinilala ng pulisya na si Christina Analucas, 36, dahil sa mga tama ng bala sa kanyang ulo at katawan.

Sa pagsisiyasat ng Sagay Municipal Police Station (SMPS), nakatayo lamang ang biktima sa highway na malapit sa bahay nito sa Barangay Paraiso nang dumating ang mga suspek at pinagbabaril ito.

Romualdez, kinondena tensyon sa Middle East; seguridad ng mga Pinoy, pinatututukan

Nang matiyak na patay na ang biktima, agad na tumakas ang dalawang suspek patungo sa hindi mabatid na lugar.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.

Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Sagay Police chief, Maj. Antonio Benitez, na kasama si Analucas sa kanilang drug watchlist na matagal na nilang minamanmanan.

Gayunman, nagsasagawa pa rin sila ng masusing imbestigasyon upang makilala ang mga suspek at ang motibo sa krimen.

-Fer Taboy