Binawian ng buhay ang isang 7-anyos na lalaki nang aksidenteng mainom ang silver cleaner na nakalagay sa bote ng softdrinks sa kanilang banyo sa Makati City, kahapon.
Sa report ni Lt. Mylene Juan, hepe ng Women and Children’s Protection Desk ng Makati City Police, nakilala ang nasawi na si Rain Mendoza, ng Block 317, Lot 10, Mockingbird Street, Barangay Rizal.
Nadiskubre aniya si Mendoza na nakahandusay, naninigas ang kalamnan at umiikot ang mga mata na tila kinukumbulsiyon sa loob ng kanilang banyo, nitong Miyerkules, dakong 10;00 ng umaga.
Agad namang sinaklolohan ito ng isa nilang kapitbahay at pinakain ng asukal bago isinugod sa pagamutan.
Nakita ng ina nito na si Jennifer, 37, ang isang bote ng isang softdrinks sa banyo kung saan nakalagay ang silver cleaner na nainom ng bata.
Natukoy sa pagsusuri ni Dr. Geraldine Alcantara, na cyanide poisoning ang ikinamatay ni Mendoza.
-Bella Gamotea