Mga Laro Ngayon
(JCSGO Gym, Cubao)
1 n.h. -- McDavid vs Ironcon-UST
3 n.h. -- Che'Lu Bar and Grill vs Cignal-Ateneo
MAKAPUWESTO sa top 2 ng kanilang grupo ang tatangkain ng Cignal-Ateneo sa pagsagupa nila sa Che'Lu Bar and Grill ngayong hapon para sa huling laro nila sa eliminations ng 2019 PBA D-League sa JCSGO Gym sa Cubao.
Hawak ang barahang 7-1, panalo-talo, tatangkaing dagitin ng Blue Eagles ang ika-6 na sunod na panalo at ang twice-to-beat advantage sa crossover quarterfinals sa pagharap nila sa Revellers ngayong 3:00 ng hapon.
Ngunit, kung si Ateneo coach Tab Baldwin ang tatanungin, higit niyang pinapahalagahan ang magkaroon ng improvement kada laro ang Blue Eagles kaysa sa puwesto sa playoff round.
"When you go through an offseason, your system should grow. We don't do a lot of our system stuff in January through June, but little by little, we're introducing a couple of different things that we may or may not use later on," sambit ni Baldwin.
Muling inaasahang mamumuno sa Blue Eagles sina Ivorian slotman Ange Kouame, Thirdy Ravena at ang kambal na sina Matt at Mike Nieto.
Sa kabilang dako, magsisikap naman ang na makabalik sa playoff race kasunod ng pagbagsak sa markang 3-2, matapos ang 92- 101 kabiguan nila sa Go for Gold-CSB.
Muling sasandig si coach Stevenson Tiu kina Jeff Viernes, Jhaps Bautista, Jessie Collado, Sean Manganti at Rey Suerte upang pamunuan ang Chelu.
Samantala,tatangkain ng Ironcon-UST (4-1) na makabalik sa winning track sa pagharap nila sa McDavid (1-5) sa unang laban ganap na 1:00 ng hapon.
Magkukumahog ang Tigers na makabawi mula sa natamong 101-114 kabiguan sa kamay ng Petron-Letran noong Abril 11.
Magsisikap naman ang McDavid, na burahin ang nakapanlulumong 31-106 na pagkatalo sa Cignal-Ateneo noong Abril 16.
-Marivic Awitan