IPINASILIP na ng renewable energy firm na Harbor Star Energy Corp. (HSEC) ang P2.2 bilyong solar power plant project sa baybaying komunidad ng General Santos City.

Pinangunahan ng HSEC at mga lokal na opisyal ang pormal na commissioning ng 25-megawatt (MW) solar power plant sa 56-ektaryang site ng kumpanya sa Purok Changco, Barangay Bawing, ng lungsod.

Ayon kay Geronimo Bella Jr., chairman at pangulo ng HSEC, ang planta ang kauna-unahan sa lungsod at maikokonsiderang pinakamalaki sa Mindanao. Fully operational at handa na ang site para sa pagbibigay ng dagdag na suplay ng kuryente sa mga lokal na konsumer sa pamamagitan ng South Cotabato II Electric Cooperative (Socoteco II).

Pinaghahandaan na rin, aniya, ang pagdaloy ng planta sa susunod na buwan sa Mindanao power grid. Ayon kay Bella, ang bagong planta ay inisyal na bahagi ng planong multi-billion solar power generation plant sa lugar.

“It’s a big investment and we plan to expand it in the coming years to produce not just 25 MW, but maybe even 100 MW because the technology is available,” saad ng HSEC chairman.

Nakipagtulungan ang HSEC sa Astronergy Development Gensan, Inc. (ADGI) para sa pagtatayo ng power plant, na binubuo ng mahigit 80,000 solar panels.

Nakuha ng ADGI ang permiso, lisensiya at karapatan para sa pagpapatakbo ng solar power plants sa lugar gamit ang initial capacity na 25 MW na expandable sa 75MW.

Pagbabahagi pa ni Bella, na ang pamumuhunan nila sa syudad, para sa first power production ng kumpanya ay “not an accident.”

“GenSan is fast becoming a metropolis and we want to be a part of that growth, we want to be partners with the city,” aniya.

Saad pa ni Bella, nakita nilang ideyal ang siyudad para sa isang renewable energy project dahil sa mainit na panahon, lalo na baybaying bahagi at sa mga readily-available sites.

“The use of the site was very ideal since we did not have to do much clearing of trees as it was largely barren,” dagdag pa niya.

Malaking tulong naman umano sa ekonomiya ng lungsod, ayon kay Mayor Ronnel Rivera, ang pagpapatakbo ng solar power plant na may anim na tuna canneries mula sa pitong pabrika ng bansa.

Malaki rin umano ang pangangailangan ng lungsod sa kuryente dahil sa pagpasok ng mga malalaking pamumuhunan sa lugar tulad ng mga shopping mall, hotel at iba pa.

“We are in constant negotiations with power producing companies because the city is turning into a metropolis. The city is developing every day and we’re seeing more investments coming in,” pagbabahagi pa ni Rivera.

Samantala, pinagsisilbihan ng Socoteco II ang lungsod, buong probinsiya ng Sarangani at ang mga bayan ng Polomolok at Tupi sa South Cotabato.

PNA