Bumaba pa ang tubig sa Angat Dam, at nasukat na kapos na sa 180-metrong minimum operating level nito ngayong Linggo.

ANGAT

Naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa 179.97 metro ang water level sa Angat Dam bandang 6:00 ng umaga ngayong Linggo, bumaba pa ng 0.35 metro mula sa 180.32 metro kahapon.

Ayon sa National Water Resources Board (NWRB), prioridad nito ang isu-supply sa Metro Manila kaysa irigasyon sa mga lalawigan at paglikha ng kuryente.

National

2 taga-Laguna na parehong nanalo sa magkahiwalay na Lotto 6/42 draw, kumubra na ng premyo

Alinsunod sa protocol ng water regulator sa pagre-release ng tubig mula sa Angat Dam, pansamantalang babawasan o ipatitigil ang pagpapatubig sa mga taniman sa Bulacan at Pampanga kapag bumaba pa sa 180 metro ang tubig sa dam.

Nauna nang sinabi ni NWRB Executive Director Sevillo David Jr. na babawasan na ang alokasyon para sa irigasyon sa Central Luzon simula sa Miyerkules, Mayo 1, upang makasapat sa pangangailangan ng tubig ng mga taga-Metro Manila ngayong tag-init.

Inaprubahan ng Board ang pagbabawas ng alokasyon para sa irigasyon, na mula sa karaniwang 35 cubic meters per second (cms) ngayong Abril ay magiging 10 cms na lang sa Mayo.

Samantala, pananatilihin naman ng NWRB ang 48 cms alokasyon nito para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), na ilalaan naman sa mga concessionaires na Maynilad at Manila Water.

Nilinaw naman ni David na ang binawasang alokasyon para sa National Irrigation Administration “will not have significant impact on irrigation as they (farmlands) are near the harvesting period.”

Gayunman, binigyang-diin ng opisyal ng NWRB ang panawagan nito sa publiko na patuloy na magtipid sa paggamit ng tubig dahil na rin sa tuluy-tuloy na pagbaba ng water level sa Angat Dam, dulot ng tag-init at El Niño, at kawalan ng ulan.

Ang Angat Dam ang pangunahing pinagkukuhanan ng supply ng 96% ng mga taga-Metro Manila, at irigasyon para sa 27,000 ektarya ng mga pananim sa Bulacan at Pampanga.

Ang normal high water level nito kapag tag-ulan ay nasa 212 metro.

-Ellalyn De Vera-Ruiz