MALAKING karangalan ang ibinigay sa bansa ng Filipina triathlete na si Joyette Jopson matapos magwagi ng bronze medal sa idinaos na FWD 78 degrees North Marathon sa Norway.

Ang 2014 Ironman 70.3 Philippines Filipino Elite Champion na isang FWD Financial Wealth Officer ay tumapos na third overall sa 42-kilometer marathon na ginanap sa bayan ng Longyearbyen sa Svalbard archipelago sa bansang Norway at kampeon sa women’s division.

Tinapos ni Jopson ang karera sa gitna ng nagyeyelong paligid na may layong 1,050 kilometro mula sa North Pole o 89 degrees latitude sa tiyempong 4 na oras, 10 minuto at 59 na segundo.

Sinalo ng Pan-Asian insurer na FWD ang mga runners mula sa nangyaring last-minute cancellation ng 2019 North Pole Marathon upang mabigyang katuparan ang hangarin ng mga ito na makatakbo at makakumpleto ng isang full marathon sa lugar na may “sub-zero” na temperatura at kakaibang “winter conditions”.

Sa loob lamang tatlong araw ay naisaayos ng FWD ang lahat at inimbita ang ang dapat ay kalahok sa North Pole Marathon.

'I really love you kuya!' Tapatang Pacquiao brothers, ekis mangyari!

Ang nag-iisang kinatawan ng Pilipinas sa marathon, nakatunggali ni Jopson ang iba pang FWD runners mula Hong Kong, Indonesia, Singapore, Japan, Vietnam, at Thailand kabilang na ang nagkampeong si Hard Tsui ng Hong Kong na naorasan ng 3:01:10.

Ang kanyang paglahok sa naturang marathon ay itinaguyod ng FWD Philippines, isa sa mga mabilis na lumalagong insurance company sa bansa.

-Marivic Awitan