BAHAGI na ng paggunita ng mga Pilipinong Katoliko tuwing panahon ng Semana Santa ang Visita Iglesia o pagbisita ng pito o labing-apat na simbahan upang magsimba o mag-alay ng dasal habang ginugunita ang mga paghihirap na pinagdanan ni Hesus.

Isa ang Visita Iglesia sa pinakasikat na paraan ng panamamanata tuwing Mahal na Araw. Sinasabing nagmula pa ang gawaing ito noong ika-16 na siglo, na isang tradisyong Romano na pinangunahan ni St. Philip Neri, na nagtatag ng isang kapatiran noong 1548 upang matugunan ang pangangailangan ng libu-libong mahihirap na naglalakbay sa Roma. Taong 1559 nang itatag ni St. Philip Neri ang tradisyunal na pagbisita sa pitong simbahan sa Roma bilang bahagi ng pagninilay. Kabilang sa pitong unang simbahan ang St. John Lateran, St. Peter, St. Mary Major, St. Paul, St. Lawrence, Holy Cross sa Jerusalem, at St. Sebastian. Taong 2000 pinalitan ni Pope John Paul II ang St. Sebastian ng Sanctuary of the Madonna of Divine Love.

Sinasabi ring ang Visita Iglesia ay nakabase sa mga pangyayari sa unang misteryo ng hapis sa Bibliya, ang pananalangin ni Hesus sa halamanan ng Getsemani. Matapos ang Huling Hapunan nang ihayag ni Hesus ang sakramento ng Banal na Eukaristiya at ang Banal na Kautusan, nagtungo Siya sa Gethsemane kung saan Siya nanangis. Sinabihan niya ang mga apostol na sina Pedro, Santiago at Juan na manatili at magdasal ngunit nakatulog ang mga ito ng tatlong beses. Matapos nito, hinalikan ni Judas Iscariot si Hesus bilang tanda ng kanyang pagkanulo na naging simula ng paghihirap ni Kristo.

Ang gawaing ito ay naging tradisyon na rin ng mga Pilipinong Katoliko na mula sa impluwensiya ng mga Espansyol na sumakop sa bansa sa loob ng mahigit 300 taon. Itinuro ang Visita Iglesia ng mga paring Agustino, ang mga naunang misyonero sa Pilipinas na dumating noong 1565.

Sa paglipas ng panahon nagkaroon na ng iba’t ibang paraan ang Visita Iglesia. Ilang deboto ang naglalakad ng nakapaa habang bumibisita sa pitong Simbahan. Mayroon din na nagbubuhat ng krus upang makibahagi sa paghihirap ni Hesus sa kanyang paglalakbay. Habang karamihan ay naglalakbay kasama ng kanilang mga pamilya at kaibigan upang bisitahin ang pitong hiwa-hiwalay na simbahan kasabay ng pagbisita sa magagandang lugar.

Inilalarawan ng mga deboto ang pitong o 14 na simbahan sa Pitong Huling Salita ni Hesus o ang Pitong Banal na Sugat ni Hesus. Marami rin ang naniniwala na matutupad ang kanilang mga dalangin kung makumpleto nila ang pagbisita sa pitong simbahan.