Nakatakdang ilabas ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang desisyon sa susunod na buwan kaugnay ng kasong rebelyon na kinakaharap ni Marawi City Vice Mayor Arafat Salic dahil sa umano’y pagkakadawit nito sa naganap na Marawi siege noong 2017.

REBELLION

“We hope to finish before the end of May,” pahayag ng may hawak ng kaso na si Assistant State Prosecutor Rodan Parrocha.

Inihayag ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na bukod kay Salic, isinama na rin nila sa kaso ang apat pang respondent.

National

VP Sara Duterte, itinangging spoiled brat siya

Bukod sa dalawang kapatid ni Salic na sina Samer at Walid, kabilang din sa akusado sina Edris Salid at Alinor Abas.

Maglalabas din aniya ng subpoena ang ahensya para sa apat na akusado upang mabigyan sila ng pagkakataong maipaliwanag ang kanilang panig sa pamamagitan ng paghahain ng counter-affidavit.

Nilinaw nito, tanging ang bise alkalde pa lamang ang nakapagharap ng counter-affidavit, nitong Abril 3.

Matatandaang inihan ng PNP ang nasabing kaso laban kay Salic noong Marso 15 kasunod na rin ng pagkakaaresto sa kanya sa Marawi City Hall, noong Marso 13.

Sa kanyang counter-affidavit, pinaratangan ni Salic si Marawi Mayor Majul Usman Gandamra na umano’y nag-iimbento lamang ng alegasyon upang idawit siya sa 2017 Marawi siege.

Katwiran nito, pawang kamag-anak umano ng alkalde ang tatlong testigong hawak ng PNP-CIDG na sina Edralin Usman Mangotara, Abdul Hamid Usman, at Walid Usman.

“It is noteworthy that all the three witnesses are First cousins of the incumbent Mayor of Marawi City, Majul Usman Gandamra, who happens to be respondent Salic’s political rival. Respondent’s father is a former Mayor of Marawi City who is runnng against the incumbent Mayor Majul Usaman Gandamra in this coming 2019 elections,” ayon pa kay Salic.

-Jeffrey Damicog