Nahaharap ngayon sa kasong graft sa Sandiganbayan si Tuao, Cagayan Mayor Francisco Mamba, Jr. at 10 pang opisyal kaugnay ng umano’y pagkakadawit sa milyun-milyong fertilizer fund scam, noong 2004.
Bukod kay Mamba, kinasuhan din ng 2 counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019) ang kapatid nito na dating alkalde na si William Mamba, Administrator Frederick Baligod, Municipal Treasurer Rodolfo Cardenas, Administrative Assistants III Merlina Dayag at Jose Palacpac, Accounting Clerk Anabel Turingan, Agricultural Officer Teresita Espinosa, Clerk Juliana Padilla, at Agricultural Technologists Leticia Acob at Petra Santos.
Kasama rin sa kinasuhan si Ramon Aytona, kinatawan ng Feshan Philippines, Incorporated.
Sa complaint affidavit, inaakusahan ang mga ito na nagsabwatan sa maanomalyang pagbili ng 3,333 bote ng Bio-Nature Liquid Organic Fertilizer na nagkakahalaga ng P1,500 kada isa o katumbas ng kabuuang halaga na P4,999,500, sa nasabing kumpanya, noong Abril 5, 2004.
Ayon sa reklamo, nagpauna ng bayad ang mga ito ng P3,101,962.50 sa kabila ng nakitang ilang irregularidad, katulad ng hindi nito pagdaan sa public bidding.
Pinili na rin ng mga ito ang bibilhing patabang Bio-Nature kung saan binanggit na rin ang presyo nito, kahit hindi ito suportado anumang project proposal, report, o market survey para sa available fertilizers.
“After the payment, the local officials even failed to perform their duties under the memorandum of agreement with Feshan. They did not conduct periodic monitoring and evaluation to ensure that the funds would not be misappropriated,” ayon sa reklamo.
Nag-ugat naman ang ikalawang graft case nang bumili na naman ang mga ito ng nasabing produkto sa kaparehong halaga, noong Hulyo 2, 2004.
Kaugnay nito, inatasan na ng anti-graft court ang mga ito na magpiyansa ng P60,000 bawat isa habang si Aytona ay pinagpipiyansa lamang ng P30,000, para sa pansamantala nilang kalayaan.
-Czarina Nicole Ong Ki