Magpapatupad ang Meralco ng P0.063 kada kilowatt hour (kWh) na taas-singil sa kuryente ngayong Abril.
Sa abiso ng naturang kumpanya, ito ay dulot ng pagmamahal ng kuryente sa spot market, paghina ng palitan ng piso kontra dolyar, at pagtaas ng generation charge ng P0.035/kWh.
Ang naturang dagdag-singil ay katumbas ng P12.60 para sa mga kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan, at P18.90 para sa mga kumukonsumo ng 300 kWh.
Nasa P25.20 naman ang madadagdag sa bayarin ng mga consumers na gumagamit ng 400 kWh, at P31.50 naman sa mga 500 kWh.
Samantala, muling makararanas ngayong linggo ng rotational brownout ang ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit nitong lalawigan.
Ito ay bunsod ng panibagong serye ng maintenance works na sinimulan ngayong Lunes at tatagal hanggang sa Abril 14, Linggo.
Kabilang sa mga lugar na apektado ng rotational brownout ang Quiapo, Sampaloc at Sta. Cruz sa Maynila; Baclaran sa Parañaque City; Loyola Heights sa Quezon City; at Canumay West, Arkong Bato at Palasan sa Valenzuela City.
Apektado rin ang Obando, San Ildefonso, San Miguel, Norzagaray, San Jose del Monte City, at Meycauayan, sa Bulacan; Candaba, Pampanga; Dasmariñas City at General Trias sa Cavite; at Liliw, Nagcarlan, Pila at Sta. Cruz sa Laguna.
-Mary Ann Santiago