Binalaan kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang publiko sa posibleng flashflood sa Eastern Visayas at Mindanao bunsod ng namataang low pressure area (LPA) sa bisinidad ng Davao City.
Sa abiso ng PAGASA, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 900 kilometro silangan ng nasabing lungsod.
Sinabi ng PAGASA na kahit malabong mabuo bilang bagyo ang LPA, magdudulot pa rin ng pakalat-kalat ngunit malakas na pag-ulan ang trough o extension nito sa dalawang rehiyon.
Inalerto ni PAGASA weather specialist Meno Mendoza, ang mga residente dahil sa posibleng biglaang pagbaha sa nasabing mga rehiyon.
Nauna nang inihayag ng ahensya na posibleng maantala ang pagpasok ng tag-ulan bunsod na rin ng mahabang dry-spell o tagtuyot sa bansa.
-Alexandria Dennise San Juan