Sa rehas ang bagsak ng isang senior citizen nang saksakin ang umano’y nambasted sa kanyang babae sa Parañaque City, kamakalawa.
Nakakulong sa Parañaque City Police si Zenas Cañete y Panabio, alyas Boy, 70, ng No. 8012, DASA, Barangay San Dionisio sa nasabing lungsod.
Sugatan naman si Michelle Santos y Aguilar, 44, ng No. 7989 El Filibusterismo Street, Bgy. San Dionisio, Parañaque City, na nagtamo ng saksak sa kaliwang kamay.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang pananaksak sa bahay ng biktima, dakong 10:00 ng gabi.
Sa salaysay ng biktima sa awtoridad, ilang beses siyang pinadadalhan ng suspek ng "inspiring messages" at nagsasabing may gusto sa kanya, sa pamamagitan ng text messages.
Umabot umano sa puntong pinadalhan siya ng suspek ng malalaswang text messages, ngunit hindi na lamang niya pinansin.
Ngunit nang tangkain umanong ligawan ni Cañete si Santos, agad niya itong binasted.
Pinuntahan umano ng suspek, na amoy alak, ang biktima at sinugod ng saksak.
Sa follow-up operation kahapon ng Police Community Precinct (PCP) 4, inaresto ang suspek sa kanyang bahay, ngunit hindi narekober ang patalim na ginamit nito sa biktima.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek.
-Bella Gamotea