HI N D I p a m a n naglalabas ng reaksiyon ang pamunuan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) tungkol sa pinag-uusapan ngayong “man-to-man kissing scene” sa “Boom” segment ng Eat Bulaga nitong Marso 30, ilang netizens na ang pumupuna sa ahensiya.
May mga viewers kasing na-enjoy ang nasabing eksena, na nasaksihan sa national television on a noontime slot.
Walang nagbabawal sa kanila na sumigaw ng “love wins”, pero bago mag-react nang negatibo, dapat na hintayin muna nila ang desisyon ng MTRCB kung magpapataw ba ito ng sanction sa Eat Bulaga kaugnay ng hindi inaasahang eksena.
Dahil kung panonooring mabuti ang nasabing kissing scene ng guest na si Jhon Patrick Driz at ng boyfriend niyang si Paul Cervantes, marami ang nasorpresa na mistulang nadala ng kanilang emosyon ang dalawa. Maging si Vic Sotto ay nagulat din sa nangyari, at maaaring ganito rin ang reaksiyon ng Eat Bulaga staff.
Apat na dekada na sa telebisyon ang Eat Bulaga, at alam nila ang mga batas na ipinaiiral ng MTRCB, na kasalukuyang pinamumunuan ni Rachel Arenas, kaya alam din nila kung nagkaroon sila ng mga paglabag.
At kung tunay na marurunong ang mga tumutuligsa sa MTRCB, alam nilang hindi masususpinde ang Eat Bulaga dahil lang sa insidente, na kanilang ipinaglalaban— prematurely.
Isang simpleng apology lang mula sa Eat Bulaga management at tapos na ang isyu.
Parehong bit players sa iba’t ibang network sina Jhon at Paul, at hindi na nga baguhan ang huli sa nasabing segment ng Eat Bulaga, dahil guest din siya sa “Sino-Sino sa Kanila ang Dancer?” episode noong January 2019.
Humingi na ng paumanhin si Jhon sa mga televiewers na alam niyang hindi natuwa sa ginawa nila.
“Maraming salamat po sa mga nakapanood ng Eat Bulaga kanina. Unang-una po sa lahat, gusto ko po sana humingi ng pasensiya.
“Maaaring hindi man po tanggap pa sa lipunan natin ang ganitong relation pero maraming salamat po sa mga taong sumusuporta sa mga gaya namin na LGBTQ community,” post ni Jhon sa kanyang Facebook account.
-ADOR V. SALUTA