KINIKILALA sa mundo ang Hundred Islands National Park at nakadagdag - atraksiyon sa mga turista roon ang pagtatampok sa Paraw Festival.
Ang Paraw Festival ay konsepto ni Alaminos City, Pangasinan Mayor Arthur Celeste, at Marso 26, 2016 nang itinampok ang unang kapistahan.
Sa ikatlong taon ng Paraw Festival nitong Huwebes, Marso 28, may 52 paraw na nagkarerahan ng makukulay na non-motorized bancas na may naggagandahang disenyo, na bumihag sa puso ng mga turista.
Gayunman, nilinaw ni Miguel Sison, city tourism officer, na hindi na kailangang abangan ng turista ang festival para lang masiyahan sa pagpunta sa Hundred Islands.
Ang mga paraw na ginagamit pangisda ay nakaparada sa Lucap Wharf, at maaari na itong sakyan ngayon para libutin ang mga isla at masilayan ang kabuuan ng Hundred Islands.
Para mapaunlad lalo ang turismo sa Alaminos ay isinasagawa ang paraw sailing, kung saan ay mararanasan ng mga turista na makasakay sa bangka sa paglilibot sa kapaligiran ng seawaters sa Lucap Wharf sa halagang P150 kada 20 minuto.
Ang Paraw fishing, na naging kabuhayan ng mga kakapiranggot lang ang kinikita, ay nakararanas na ng kaunting kaginhawaan dahil sa walang humpay na pagtulong ni Mayor Celeste, ang tinaguriang “Hundred Man” ng Alaminos.
Malaking bagay ang naitulong ang alkalde para maibangon ang bagsak na kinikita ng mga taga-Alaminos, at sa loob ng siyam na taon ay tinatayang nasa 5 o 6 na milyon kada taon, at nagtagumpay na maengganyo ang maraming turista—na umaabot sa mahigit 500, 000 o maaaring lampas pa ng 600,000 ngayong taon.
-LIEZLE BASA IÑIGO, Mga larawang kuha ni JOJO RIÑOZA