Ibinahagi sa publiko ni Department of National Defense (DND) Sec. Gilberto “Gibo” Teodoro, Jr., ang tungkol sa itinatayo umanong mga estruktura ng China sa Bajo de Masinloc o kilala rin bilang Scarborough Shoal.
Batay sa historical mapping at Permanent Court of Arbitration (PCA) sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong 2016, maituturing na parte ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc.
Sa naging pahayag naman ni Teodoro sa pagdalo niya sa Shangri-La Dialogue sa Singapore nitong Sabado, Mayo 30, 2026, kinumpirma niyang may nakarating daw sa kanilang raw information kaugnay sa tinatayong estruktura ng China sa Bajo de Masinloc.
“May raw information,” pagsisimula niya.
Ani Teodoro, kasalukuyan na raw nilang binabantayan ang Bajo de Masinloc sa kabila na rin ng pagiging “dynamic area” nito o “unpredictable” sa mga posibilidad ng panganib na maaaring mangyari.
“Actually, sinasabi ko, na ang Bajo de Masinloc ay dynamic ‘yong area,” aniya.
“Bagama’t maliliit pa ‘yong nangyayari, binabantayan na ‘yan,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag ang embahada ng China maging sa kanilang Facebook page kaugnay rito.
MAKI-BALITA: PCG spox, itinanggi planong kooperasyon sa China sa joint patrols sa WPS
MAKI-BALITA: Pilipinas sincere, bukas sa joint exploration kasama ang China—Palasyo