May 30, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Parang gumuho mundo ko!' Alfred Vargas, nanlumo nang mabasura inihaing kaso vs nambully sa anak

'Parang gumuho mundo ko!' Alfred Vargas, nanlumo nang mabasura inihaing kaso vs nambully sa anak
Photo courtesy: Alfred Vargas (FB)

Naglabas ng emosyonal na pahayag ang aktor at Quezon City 5th District Councilor Alfred Vargas matapos ang naging desisyon kaugnay ng reklamong inihain nila ng kaniyang asawa tungkol sa umano’y paulit-ulit na pambubully sa kanilang anak.

Matatandaang nagsampa ng kaso ang mag-asawa sa Manila Prosecutor’s Office noong Abril laban sa kapwa aktor na si Rob Sy, matapos umanong i-bully ng anak ng huli ang anak ng complainants.

Maki-Balita: ‘This is where it stops!’ Alfred Vargas, sinampahan ng reklamo magulang ng nambully sa anak

Sa serye ng posts na inilabas niya, inamin ni Vargas na labis siyang nalungkot at nadismaya nang mabasa ang naging desisyon sa kaso kung saan ibinasura ng

“Aaminin ko na nanlumo ako pagkabasa ko ng desisyon. Parang gumuho ang mundo ko. Naawa ako sa aking mga anak. Nahiya ako sa kanila. I felt like I failed them as a parent.”

Tsika at Intriga

'May the law favor all!' Karen Bordador napakuwestyon na 'bailable' ang kasong graft and corruption

Ibinahagi rin ni Vargas ang kaniyang pangamba bilang ama para sa kapakanan ng kaniyang anak na umano’y naging biktima ng bullying.

“Wala na ba kaming matatakbuhan? Wala na bang tutulong sa anak kong biniktima ng paulit-ulit na bullying?”

Ayon kay Vargas, pitong taong gulang lamang ang kaniyang anak at nakaranas umano ito ng paulit-ulit na pananakit, trauma, at kahihiyan.

Sa isa pang bahagi ng kaniyang pahayag, sinabi niya:

“Seven years old lang ang anak ko. Sinaktan siya ng paulit-ulit, binigyan ng trauma, namiligro ang buhay niya, ipinahiya sa harap ng maraming tao. Sinira ang kaniyang dignidad. Tapos sasabihin na ‘away bata’ lang at wala na kaming magagawa? Paano na yung anak ko na biniktima? Wala ba siyang karapatang mabuhay na ligtas at walang takot?”

Sa kabila ng kaniyang pagkadismaya, sinabi ni Vargas na nakatanggap sila ng napakaraming mensahe ng suporta mula sa publiko na nagbigay sa kanilang pamilya ng lakas ng loob upang ipagpatuloy ang laban.

“But in our moment of doubt, all of you gave us clarity and purpose. You gave us strength. Nalaman namin na hindi kami nag-iisa.”

Dagdag pa niya,“Yasmine, my children, and I are overwhelmed with gratitude.”

Nagpasalamat din ang aktor sa lahat ng nagpaabot ng dasal, suporta, at pakikiisa sa kanilang pamilya.

“You have inspired us to continue working for the truth and for a safer community for our children.”

Aniya, hindi sila susuko sa kanilang adbokasiya laban sa bullying.

“We say no to bullying with greater determination. Itutuloy namin ang aming pagtutol at paglaban sa bullying.”

Nagtapos si Vargas sa pasasalamat sa mga taong nagbigay ng pagmamahal at panalangin sa kanilang pamilya.

“Maraming, maraming salamat sa inyong pagmamahal at panalangin," saad pa niya.

Hindi naman nabanggit ni Vargas kung muli pa silang magsasampa ng kaso o aapela pa.

Maki-Balita: Bully issue ng mga anak: Rob Sy, umalma matapos kasuhan ni Alfred Vargas!