May 21, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Bully issue ng mga anak: Rob Sy, umalma matapos kasuhan ni Alfred Vargas!

Bully issue ng mga anak: Rob Sy, umalma matapos kasuhan ni Alfred Vargas!
Photo courtesy: Rob Sy/Alfred Vargas (FB)

Naglabas ng opisyal na pahayag ang aktor na si Rob Sy matapos siyang kasuhan ng aktor at konsehal ng Quezon City 5th District na si Alfred Vargas at misis nitong si Yasmine, dahil sa umano'y pambu-bully ng anak nila sa anak ng huli, sa isang swimming training.

“Taking a firm stand against the culture of silence in bullying, Quezon City Councilor Alfred Vargas and his wife, Yasmine, filed a criminal complaint on Monday against the parents of a minor who allegedly bullied and abused their son during swimming activities,” saad sa inilabas na joint statement ng mag-asawa sa social media noong Lunes, Abril 13.

Ang reklamo ay inihain sa Office of the City Prosecutor of Manila dahil sa umano’y paglabag sa section 10 (a) ng Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”

“The complaint, filed before the Office of the City Prosecutor of Manila, cites respondents Juvelle Bacosa and Robert Vincent Sy for violation of Section 10(a) of Republic Act No. 7610, or the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act,” saad pa sa pahayag.

Binanggit pa rito na ang legal na aksyon ay bunsod ng umano’y paulit-ulit na panunulak at paghawak ng umano’y bully sa anak nina Alfred at Yasmine sa kasagsagan ng kanilang swimming training sessions at sa kabila ng mga paalala at naunang apela ng mag-asawa sa mga magulang ng menor de edad, nagpatuloy pa raw ang mga umano’y insidente ng bullying.

Tsika at Intriga

Andrea Del Rosario, nagbiro sa mga may pic kasama si Bato: 'Lahat kayo for questioning daw!'

Dahil dito, binanggit sa reklamo na nabigong gampanan ng mga magulang ng umano’y bully ang ang kanilang legal na tungkulin na disiplinahin ang kanilang anak bagama’t may kaalaman na ang mga ito sa paulit-ulit na pangyayari at panganib nito.

Kaya sa pagsampa ng reklamong ito, hiling ng mag-asawa na magsilbi itong ehemplo ng pagtindig para sa mga pamilyang nagdurusa mula sa bullying at anumang pang-aabuso.

Maki-Balita: ‘This is where it stops!’ Alfred Vargas, sinampahan ng reklamo magulang ng nambully sa anak

Samantala, agad namang pumalag si Rob gayundin ang partner na si Velle Bacosa hinggil sa kaso.

OPISYAL NA PAHAYAG NINA ROB SY AT PARTNER NA SI VELLE BACOSA

Mariing pinabulaanan naman ng dalawa ang mga alegasyon ng pagsasagawa ng bullying ng kanilang anak sa anak nina Alfred at Yasmine.

Sa isang opisyal na pahayag, iginiit ni Sy na bagama’t batid niyang may mga negatibong reaksiyon mula sa publiko matapos silang pangalanan, nananatili umano siyang kalmado at walang kinalaman sa mga ibinibintang sa kanila.

Ayon sa kaniya, bagama’t may mga larawang kumakalat na tila nagpapakita sa kaniya bilang may sala, hindi umano nito nasasalamin ang tunay na pangyayari. Aniya, siya, ang kaniyang partner, at ang kanilang anak ay namumuhay nang maayos at may disiplina.

Dagdag pa ni Sy, may mga testigo at ebidensiyang hawak ang kanilang panig na maglilinaw kung sino ang tunay na sangkot sa umano’y pambu-bully noong Pebrero 2026. Gayunman, tumanggi muna siyang ilahad ang mga detalye habang hindi pa umano ito dinadala sa tamang proseso.

“Darating ang panahon na lalabas ang katotohanan sa tamang lugar at pagkakataon,” pahayag niya.

Samantala, hinikayat niya ang publiko na umiwas sa agarang paghusga at pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon, lalo na ang paglalathala ng mga larawan na may kinalaman sa mga menor de edad.

Binanggit din ni Sy ang paalala ng kanilang legal counsel na si DJ Jimenez, na nagsabing labag sa batas ang pagpapakalat ng hindi awtorisadong imahe ng mga bata.

Bago pa man sumiklab ang isyu, ibinahagi na ng partner ni Sy ang umano’y karanasan nila ng kaniyang anak noong Pebrero 14, 2026, kasabay ng isang swimming competition sa Rizal Memorial Sports Complex.

Ayon sa kaniya, nakaranas umano sila ng pangha-harass mula sa isang indibidwal na hindi pinangalanan kung saan sila ay pinahiya sa harap ng maraming tao.

Ikinuwento rin niyang labis na natakot ang kanilang walong taong gulang na anak, na nauwi sa pag-iyak at panginginig.

Sa kabila nito, pinili umano nilang manahimik at ipaubaya na lamang sa Diyos ang insidente matapos silang payuhan ni Sy na pairalin ang pagpapatawad.

Gayunpaman, nagpahayag ang pamilya ng pag-aalala sa kaligtasan ng kanilang anak matapos umano silang makatanggap ng balita hinggil sa pagbabanta rito.

"Last February 14, 2026 sa mismong araw ng Swimming Competition ng Anak ko sa Rizal Memorial Stadium, na-Harass kaming mag-ina ng isang Indibidwal. Kahit babae ako at 8 Years Old lang ang anak ko, pinagdududuro nya at pinapahiya sa harap ng maraming tao. Nanginginig at umiiyak ang anak ko sa takot," ani Velle sa kaniyang post.

"Kahit gano Kasakit at Traumatic, kinausap at pinakalma ako ni Rob pagkadating nya, kaya nanatili kaming tikom at pinagpasa-Diyos na lang namin ang nangyari."

"Respeto at Kapatawaran ang nangibabaw."

"Pero hiling lang ng Pamilya namin, na sana naman huwag na ito maulit sa loob ng Skwelahan ng Anak ko, dahil may nakarating sa aking balita ng pagbabanta sa anak ko."

"PLEASE LANG"

"8 Years Old lang yang Anak namin. Huwag naman sana," aniya pa.

Photo courtesy: Velle Bacosa (FB)

Sa kasalukuyan, nananatiling usapin sa publiko ang naturang alitan habang hinihintay ang susunod na hakbang ng magkabilang panig.