Isinama ng United Nations (UN) ang Israel at Russia sa blacklist ng mga bansang pinaniniwalaang sangkot sa mga kaso ng sexual violence sa mga lugar na may armadong tunggalian.
Bilang tugon, inihayag ng Ministry of Foreign Affairs ng Israel na puputulin nito ang lahat ng ugnayan kay UN Secretary-General Antonio Guterres.
Sa taunang ulat ni Guterres sa UN Security Council tungkol sa conflict-related sexual violence, mas pinaigting ang posisyon ng UN kumpara noong nakaraang taon nang ilagay lamang ang Israel at Russia “on notice” bilang mga grupong maaaring maisama sa listahan ng mga “credibly suspected of committing or being responsible for patterns of rape or other forms of sexual violence.”
Sa pinakahuling ulat, opisyal nang isinama ang dalawang bansa sa blacklist at suportado naman ng mga detalyadong paglalarawan ng mga umano’y pang-aabusong isinagawa ng mga armadong pwersa at security forces ng Israel at Russia.
Nauna nang nasa blacklist ang grupong Hamas, na responsable sa pag-atake sa timog Israel noong Oktubre 7, 2023 na naging simula ng digmaan sa Gaza.
Kinondena naman ng Permanent Representative ng Israel sa UN na si Danny Danon ang hakbang ng organisasyon.
“This is a political decision! Disconnected from the facts and reality!” ani Danon sa isang pahayag na inilathala ng Israeli mission sa United Nations matapos umano siyang tawagan ni Guterres tungkol sa usapin.
Samantala, hindi agad nagbigay ng komento ang misyon ng Russia sa UN hinggil sa ulat. Gayunman, tinanggap ito ng Ukraine, kung saan nagpahayag ng suporta si Foreign Minister Andrii Sybiha sa pamamagitan ng isang mensahe sa social media.
Pinuna rin ng United States ang desisyon ng UN. Ayon kay U.S. Ambassador to the United Nations Mike Waltz:
“Ridiculous for the UN to put a democracy like Israel — with robust rule of law that conducts investigations and holds criminals accountable — on the same level as terrorist organizations like Hamas.”
Ayon sa ulat ng UN, may naitalang mga kaso ng panggagahasa at gang rape laban sa siyam na biktima, karamihan ay mula sa Gaza.
“Rape and gang rape, in some cases repeated, were perpetrated against nine victims, the majority from Gaza,” ayon sa ulat.
Sinabi rin sa ulat na kabilang sa mga nakaligtas ang mga mamamahayag at human rights defenders. Sa ilang kaso, umano’y kinunan pa ng larawan o video ang mga paglabag, kabilang ang isang kaso ng rape.
Nakapaloob din sa dokumento ang mga ulat ng pagbabanta ng panggagahasa, sapilitang paghuhubad, hindi kanais-nais na paghawak, at mapanghamak na strip searches laban sa mga babaeng detenido. Samantala, iniulat din ang mga kaso ng rape, attempted rape, at pananakit sa ari ng mga lalaki at batang lalaki.
Kabilang sa mga naitalang paglabag ang rape, gang rape, genital mutilation, electric shocks, at pambubugbog sa ari. Ayon sa ulat, 280 lalaki, 26 babae, at apat na batang babae ang naapektuhan ng mga naturang insidente.