Dahil sa umano’y pang-aabuso sa 5-anyos na babae, inaresto ng mga pulis ang 60-anyos na lalaki sa Pasay City, nitong Sabado.
Ayon sa awtoridad, namataan ang suspek na sinusundan ang bata nang pumasok ito sa banyo sa tinutuluyan nilang tenement.
Ipinahawak ng lalaki ang kanyang ari, sinabi ng biktima sa kanyang pamilya nang tanungin kung ano ang nangyari habang sila ay nasa loob ng banyo.
Inamin ng suspek ang krimen ngunit itinangging siya ay lasing o nasa impluwensiya ng droga nang maganap ang insidente, ayon sa awtoridad.
Sinabi ng suspek na minolestiya niya ang biktima dahil siya ay antok na antok noong oras na iyon dahil kagigising lamang.
Kinilala ni Police Colonel Bernard Yang, hepe ng Pasay City police, ang suspek na si Eduardo Pusung, na tagahugas ng plato sa isang carinderia sa Barangay 150, Pasay City.
Kabilang si Pusung sa mga inaresto sa Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) ng Pasay City police, simula nitong Biyernes hanggang Sabado, sa pangunguna ni Police Maj. Wilfredo Sangel.
Itinurn over ang suspek sa Station Investigation Detective Management Section (SIDMS) at mahaharap sa kasong rape.
Samantala, isasailalim ang biktima sa trauma intervention.
-Michelle Guillang