KASUNOD ng matagumpay nilang All-Filipino First Conference, magpapatuloy ang Metro League sa pamamagitan ng pagdaraos ng Reinforced Conference sa susunod na buwan para sa layuning makadiskubre ng mas maraming batang players at mai-promote ang sports sa National Capital Region at Mega Manila cities.

Dating Metro Basketball Tournament, ang M-League ay nakatakdang pahintulutan ang mga kalahok nilang koponan na magkaroon ng isang import sa Reinforced Conference upang makadagdag ng kakaibang timpla sa torneong sinusuportahan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at ng Philippine Basketball Association (PBA) gayundin ng San Miguel Corporation bilang league presentor.

Walong founding cities ang magbabalik sa M-League sa pangunguna ng last conference champion Valenzuel, North Division teams Manila, Marikina, Quezon City at Caloocan.

Nariyan din ang iba pang pioneers at South teams Pateros, Taguig, San Juan, kasama ang mga nagbabalik na mga koponan ng Mandaluyong at Pasig.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Papasok naman bilang bagong team ang Bacoor City sa ligang gamit ang PLDT bilang official internet provider, SMSGT bilang official livestream partner, Spalding bilang official ball, Team Reber Sports bilang official league outfitter at Manila Bulletin bilang media partner.

Agad na masusubukan ang tikas ng Mandaluyong, Pasig at Bacoor sa pagsalang nila kontra sa tatlong league mainstays sa triple-header sa M-League opening day na magaganap sa Abril 7 sa San Juan Gym.

Makakasagupa ng Mandaluyong ang San Juan sa tampok na laro ganap na 4:00 ng hapon pagkatapos ng ikalawang laban sa pagitan ng Manila at Pasig ganap na 2:30 ng hapon.

Mauuna rito, makakatunggali ng Bacoor ang Caloocan sa pambungad na laban ganap na ala-1:00 ng hapon.

Upang mas mapalaganap ang kanilang grassroots basketball program, isang 17-and-under tournament ang sisimulan din ng M-League bago matapos ang buwan ng Abril sa pangunguna ni tournament director Bonnie Tan, finance officer Waiyip Chong, deputy tournament director Fidel Mangonon III, basketball commissioner Glenn Capacio at technical committee head Lou Gatumbato.

Halos kasabay nito ang paglulunsad naman ng club, school or organization-based 13-and-under boys basketball tournament at 17-and-under girls volleyball tournament na pamumunuan ni commissioner Francis Vicente.

-Marivic Awitan