UMISKOR ng siyam na runs ang Adamson sa opening inning pa lamang upang mapataob ang University of Santo Tomas, 11-2, upang makalapit sa kanilang target na ika-9 na titulo kahapon sa UAAP Season 81 softball championship sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Bumawi sa kanyang malamyang panimula si pitcher Lyca Basa at naka struck out ng apat na batters upang pamunuan ang Lady Falcons sa pagposte ng 1-0 series lead.
“Actually noong first inning, noong una silang pumalo (Tigresses), medyo naging shaky si Basa,” pahayag ni Adamson coach Ana Santiago.
“Mabuti na lang at nakabalik siya. Maganda yung pitching niya and at the same time, mainit yung first inning namin. Yun ang nag-survive sa amin. Ang sabi ko sa kanila, kailangan lang natin ng one big inning para manalo,” aniya.
Nagdeliver din ang mga rookies para sa Lady Falcons, matapos magtala si MJ Maguad ng 3 RBIs at 2 hits, at si Clariz Lozada ng 2 RBIs.
“Yun ang mga rookie ngayon, maganda at nag-step up sila. Yun ang kailangan ng team namin,” ayon pa kay Santiago. “Nakikita mo na lumalaban sila. Talagang gagawin nila ang lahat para makatulong sa team.”
-Marivic Awitan