Iniutos ng Commission on Audit (CoA) sa limang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na ibalik sa pamahalaan ang tinanggap nilang P20 milyong bonus at karagdagang bayad ng kanilang empleyado, noong 2012.
Sa inilabas na desisyon ng CoA-Commission Proper na pinamumunuan ng chairman nito na si Michael Aguinaldo, kabilang sa pinapanagot ang mga senior official na sina dating Region 4A regional vice president Alberto Manduriao, fiscal controller Feliciana O. Pastorpide, Management Services Division chief Miguel Macalinao, Region 4A Bids and Awards Committee (BAC) head Benjie Cuvinar, at cashier na si Erlinda R. Pronton.
Aabot sa P20.072, 671.09 ang pinababalik sa pamahalaan matapos aprubahan ng limang opisyal ang pagpapalabas nito sa kabila ng kawalan ng presidential approval.
Idinahilan ng CoA-CP na “solidarily liable” ang limang opisyal na ibalik sa kabang-bayan ang pondo dahil ang mga ito umano ang nag-apruba, nagpahintulot at nagpatunay” na ibayad ang pondo.
Matatandaang nagpalabas ng notice of disallowance (ND) ang audit team ng PhilHealth, na may mga petsang Mayo 17, 2013 na sumasaklaw sa inilabas na P12.37 milyon mula sa PHIC funds, noong Agosto 2012 at P7.703 milyon noong Disyembre 2012.
-Ben R. Rosario