Patay ang isang barangay kagawad, na kabilang sa drugs watchlist, nang manlaban umano habang sinisilbihan ng search warrant habang arestado ang tatlong drug suspect na natiyempuhang nagpa-pot session sa Sampaloc, Maynila, ngayong Huwebes.

KAGAWAD_ONLINE

Dead on arrival na sa Ospital ng Sampaloc si Ronnie Labongray, Jr., kagawad ng Barangay 561, Zone 55, at residente ng 1002 Gerardo Street, Sampaloc, habang arestado naman sina Ronelyn Labongray, Alfredo Joanino at Jeffrey Gallaron, pawang nasa hustong gulang, na nahuling bumabatak sa kasagsagan ng pagsalakay.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD), sinalakay ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Sampaloc Police Station 4 (PS-4), ang bahay ni Labongray, sa bisa ng search warrant na inisyu ni Hon. Judge Marivic Balisi- Umali ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 20, bandang 9:40 ng umaga.

National

Atty. Kaufman, nagsalita sa umano'y 'request' hinggil sa ID requirements ng EJK victims

Gayunman, nanlaban umano ang suspek at nagpaputok ng baril kaya gumanti ang mga pulis, at tuluyang bumulagta.

Nakuha sa suspek ang P2,380,000 halaga ng shabu, kabilang dito ang ilang sachet ng shabu, na humigit-kumulang 150 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P1,020,000; at tatlong malalaking sachet ng shabu, na halos 200 gramo at nagkakahalaga ng P1,360,000; isang .45 caliber high cup, na may magazine na kargado ng mga bala; isang P1,000 bill at 99 na piraso ng P1,000 boodle money; at assorted drug paraphernalia.

Ayon sa awtoridad, si Labongray ay miyembro ng criminal gang na sangkot sa drug trafficking activities na nag-o-operate sa Maynila at Quezon City.

Konektado rin umano siya kay PO2 Jolly Aliangan, na nakadetine dahil sa kahalintulad na kaso, gayundin kay PO2 Joel Padre Juan, na miyembro ng MPD-PS4 at No.2 sa drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte, at napatay sa isang shooting incident sa Sampaloc noong nakaraang taon.

Kakasuhan naman ang mga inaresto sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

-Mary Ann Santiago