MAGTU-TWO years nang kasal sina Pancho Magno at Max Collins, kaya ang madalas na topic ng interview kay Max ay kung kailan sila magkaka-baby. Ang laging sagot noon ni Max ay naghahanda pa raw sila, hindi pa sila ready ni Pancho at gusto muna nilang magkaroon ng sariling bahay. Pero ngayon ay iba na ang sagot niya, mula ng magsimula siyang mag-taping ng bago niyang Afternoon Prime drama series na Bihag bilang si Jessie at may sa serye ay may anak siya, si Ethan, played by the six-year old child actor na si Rafael Landicho. Dito na lumabas ang tunay na dahilan ni Max bakit ayaw pa niyang magka-anak.

“A different experience ang naramdaman ko simula pa nang mag-taping kami,” kuwento ni Max after the mediacon. “Mahirap sa akin ang role dahil wala pa akong anak, pero very fulfilling kasi hindi ko mai-compare ang love ng isang nanay para sa isang anak, iba talaga siya. Kapag nakikita ko si Ethan sa eksena namin, ini-imagine kong anak ko siya talaga. May learning disability siya kaya lalo ko siyang iniingatan. Ang hirap pala ng feeling na paano kung may mangyari sa kanya, at tulad sa story, mawawala siya, mawawalay sa akin. Doon ko naisip na ayaw kong magkaanak.”

Inamin ni Max na nadadala niya ang character niya sa bahay, na minsan ay pinagtatalunan nila ni Pancho.

“Pagdating ko po kasi ng bahay, nakasimangot ako, mainit ang ulo ko kaya lagi akong tinatanong ng husband ko, ano raw ang problema ko. Kaya ini-explain ko na lamang kay Pancho na hayaan muna niya ako, nadadala ko iyong character ni Jessie na laging natataranta. Tapusin ko muna itong soap ko at pagkatapos balik ako sa normal.”

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

Pero may maganda ring effect kay Max ang pagiging ina niya kay Ethan.

“Bago kami nag-start ng taping, nag-research muna ako tungkol sa motherhood at nag-spend ako ng time sa mga friends ko na nanay na. Iyon ang parang naging training ko para mahalin ko iyong character bilang asawa at ina. Natutunan ko kung paano humawak ng bata, at napi-feel ko nang masarap magkaroon ng anak. Sa ngayon, pareho kaming may project ni Pancho, magsisimula na ako sa Monday, April 1, may world premiere na kami ng ‘Bihag’, after ‘Inagaw na Bituin’. May sisimulan ding project si Pancho, then after, may plano pa kaming mag-travel na matagal nang naka-schedule. aya siguro, next year, ang pagkakaroon na ng baby namin ni Pancho ang paghahandaan namin.”

Sa direksyon ni Neal del Rosario, kasama rin sa cast ng Bihag sina Jason Abalos, Mark Herras, Neal Ryan Sese, at Sophie Albert.

-Nora V. Calderon