KUMALAWIT ang pambato ng Pilipinas na si Arjay Visperas ng silver medal sa 48kgs (youth) sa katatapos na World Muay Thai Federation (WMF) 16th World Championships kamakailan sa The Bazaar Hotel, Bangkok, Thailand.
Ang torneo ay inorganisa ng World Muay Thai Federation, sa pamumuno ni Lt. Gen. Akachai Chantosa at may basbas ng Olympic Committee of Thailand at Sports Authority of Thailand.
Sa kanilang semifinal match, tinalo ni Arjay Visperas si Anyar Sadique ng India sa pamamagitan ng puntos, subalit bigo naman siyang talunin si Lazurovo Amirkhon ng Uzbekistan ng siya ay talunin sa pamamagitan ng puntos matapos ang 3 rounds ng kanilang final match.
Ang torneo ay nilahukan ng 38 bansa.
Ang 16-anyos na si Visperas ay Grade 10 sa Aurora National High School ng Aurora Province.
Pinangunahan ni Rolando Catoy bilang delegation head ang National Team kasama sina team manager Wilson Oropilla, at coach Allan Visperas.
Ang grupo ay binuo at tinustusan ni Atty. Christian Noveras, acting Vice Governor ng Aurora Province, na isa ring mahilig sa larong muay thai.