BUKOD pala sa mga pulitikong kandidato sa 2019 midterm elections—mayors, congressmen, provincial board member, vice mayors at iba pa—na nasa narco-list ni Pres. Rodrigo Roa Duterte at ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay may narco-list din ng 13 hukom, 10 prosecutor, showbiz personalities, at mga miyembro ng media na umano’y sangkot sa illegal drug trade sa bansa.

Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na ang listahan ng mga hukom at prosecutors na dawit umano sa illegal drugs ay hindi muna nila isasapubliko dahil isinasailalim pa ito sa masusing pagsusuri at validation.

Gayunman, sinabi niya na kapag iniutos ni PRRD na ihayag ang kanilang mga pangalan, ipakikita niya ito sa publiko bagamat kailangan pa ang validation, na baka magtatagal pa.

Inamin ni Aquino na medyo dismayado siya sa hukuman, lalo na kapag idini-dismiss ng mga hukom at prosecutor ang mga kaso tungkol sa droga at napapawalang-sala ang mga akusado. Binanggit niya na minsan, ang PDEA pa ang pinagbibintangang “nagtanim” ng ebidensiya na naging daan para ma-acquit ang anak na babae ng isang convicted drug trafficker sa Maynila. Hindi naman binanggit ni Aquino kung nagkaroon ng suhulan.

Para naman sa Philippine National Police, sinabi ni PNP spokesman Senior Supt. Bernardo Banac na hindi na bago sa kanila ang mga ulat hinggil sa pagkakasangkot ng mga hukom at prosecutor sa ilegal na negosyo ng droga. Patuloy sila sa pangangalap ng mga impormasyon at ebidensiya, tulad ng ginagawa nila sa iba pang drug personalities sa ilang sektor.

Senior Supt. Banac, huwag na kayong lumayo, tumingin kayo sa paligid at hanay ninyo, may mga opisyal at tauhan daw ng PNP na sangkot sa illegal drug trade bilang protector.

Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo at senior jogger na madalas kasama sa kapihan, dapat daw bilisan ng PDEA at PNP ang pangangalap ng mga ebidensiya at validation hinggil sa pagkakasangkot ng mga tarantadong hukom at prosecutor. Hindi raw masasabi ng publiko na maging sa larangan ng droga, may umiiral ding diskriminasyon sa narco-list.

Itinatanong ng dalawang matanda, este nina palabirong kaibigan at senior jogger, bakit daw ang listahan ng mga kandidato ay isinapubliko, pero atubili sila sa paghahayag ng mga pangalan ng judges, prosecutors, showbiz celebrities at media people? Bakit nga kaya? Dahil daw ba sa eleksiyon?

oOo

Totoo kayang harap-harapan na nagbanta si MNLF Chairman Nur Misuari kay PDu30 na maglulunsad sila ng giyera kapag nabigo ang pederalismo na higit na pinapaboran ng MNLF kaysa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM) na pinagtibay na sa Mindanao?

Tinugon naman siya ng ating Pangulo at sinabihan si Misuari na handa ang gobyerno na ipagtanggol ang kalayaan at protektahan ito laban sa mga insurgent.

Mr. President, hindi maganda ang ganitong pahayag ng MNLF chairman. Kailangang hindi ninyo siya binebeybi at dinadala sa Malacañang dahil baka akala niya ay importante pa siya, gayong ang MILF ni Ebrahim ay kaalyado na ng inyong administrasyon.

Bukod dito, sinasabi ng mga mamamayan na ang ganitong banta ay panganib sa soberanya ng Pilipinas, maituturing na “incitement to sedition” o pag-aalsa sa hinaharap.

Eh, bakit daw si Sen. Antonio Trillanes IV ay inihabla ninyo ng inciting to sedition gayong sinabi lang nito sa militar na mag-ingat at huwag sundin ang ilegal na utos ng Pangulo? Bakit nga ba?

-Bert de Guzman