Hindi na sisingilan ngayong Marso ang mga customer ng Manila Water na ilang araw walang tubig.
Upang makabawi kahit papaano, nag-alok ang Manila Water ng “one-time bill waiver scheme” kaugnay ng kawalan ng supply ng tubig sa silangang bahagi ng Metro Manila at Rizal sa nakalipas na mga linggo.
Sa press briefing ngayong Martes, sinabi ni Manila Water President-CEO Ferdinand Dela Cruz na makikita ang kawalan ng singil sa bill ng mga customer nito sa Abril.
Gayunman, insulto ang dating nito para sa taga-Quezon City na si Cesar Santos, at binatikos ang Manila Water “[for] insulting the intelligence of its angry clients’’ sa pag-aalok umano ng kapiranggot na pampalubag-loob sa napakalaking perhuwisyong idinulot ng water crisis sa marami nitong customers.
Inamin naman ni Dela Cruz na hindi kaya ng Manila Water na makabawi nang sapat sa matinding paghihirap at kawalan ng kita ng mga customer nito, ngunit sinabing ang bill waiver scheme “will help ease in some way the inconvenience we have caused, with inputs from both MWSS Corporate Office and Regulatory Office, we are announcing a voluntary and one-time bill waiver scheme in March to be reflected in the April bill of our customers”.
Nilinaw ni Dela Cruz na ang mga customer sa mga barangay na ilang araw na nawalan ng tubig nitong Marso 6-31 ay hindi sisingilan ngayong Marso.
“A typical Manila Water household consumes an average of 30 cubic meters per month costing P600,’’ ani Dela Cruz.
Aniya, ang listahan ng mga lugar na sasaklawin ng waiver ay isasapinal sa pagtatapos ng Marso, dahil kailangan pa itong aprubahan ng mga board members ng kumpanya.
-Chito A. Chavez