Ipinahayag ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang kaniyang mga sentimyento kaugnay sa pag-usad ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng desisyon ng House Committee on Justice na ipagpatuloy ang paggulong ng kaso matapos nilang makita ang mga anila’y probable cause upang umusad ang nasabing impeachment.
Sa social media post na ibinahagi ni Diokno noong Miyerkules, Abril 29, idiniin niya ang nakita umano nilang mga ebidensya at testimonyang susuporta sa pagtakbo ng impeachment ng Pangalawang Pangulo.
“Nakita natin ang ebidensya, narinig ang testimonya, at higit sa lahat, nabigyan ng pagkakataon si VP Sara na humarap at magpaliwanag, ngunit hindi siya sumipot,” saad ni Diokno.
Aniya, “Public office is a public trust. Kahit ang mga pinakamataas na opisyal ay pananagutan sa taumbayan.”
Ipinagdiinan niya rin sa Bise Presidente na harapin nito ang mga kasong dapat nitong harapin, sapagkat aniya, may pananagutan si VP Sara sa mga Pilipino.
“VP Sara, harapin niyo ang kaso. May pananagutan kayo sa taumbayan na naghahanap ng katotohanan. We will see you in the Impeachment court,” ani Diokno sa hiwalay na social media post noon ding Miyerkules, Abril 29.
Matatandaang iginiit naman ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima na ang pinakamalakas umanong ebidensya laban sa Pangalawang Pangulo ay ang kaniyang sarili.
“Ang pinakamalakas na ebidensya sa impeachment proceeding laban kay VP Sara ay si VP Sara mismo. Nakita natin ang matinding pagbabanta nya sa Pangulo, sa First Lady, at sa former Speaker of the House. Ayon sa Konstitusyon, ang Bise Presidente ang papalit kapag nawala o maging incapacitated ang Pangulo. Sa pagbabanta nya sa buhay ng Presidente, hindi ba’t malinaw na may conflict? These threats are real, credible, and deeply alarming. They constitute inciting to sedition,” saad ni De Lima sa kaniyang X post noong Huwebes ng gabi, Abril 29.
MAKI-BALITA: Pinakamalakas na ebidensya sa impeachment ni VP Sara ay si VP Sara mismo—De Lima-Balita