May 22, 2026

Home BALITA National

Pinakamalakas na ebidensya sa impeachment ni VP Sara ay si VP Sara mismo—De Lima

Pinakamalakas na ebidensya sa impeachment ni VP Sara ay si VP Sara mismo—De Lima
Photo courtesy: Leila de Lima/FB, Inday Sara Duterte/FB


Tinukoy ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Atty. Leila de Lima na si Vice President Sara Duterte umano mismo ang pinakamalakas na ebidensya laban sa kaniyang sarili at sa kinahaharap nitong impeachment.

Kasunod ito ng isang unanimous decision mula sa House Committee on Justice noong Miyerkules, Abril 29, kung saan ang lahat, o ang 53 miyembro ng komite ay bumoto ng “yes” dahil nakakakita umano sila ng “probable cause” upang umusad ang impeachment laban sa Pangalawang Pangulo.

“Ang pinakamalakas na ebidensya sa impeachment proceeding laban kay VP Sara ay si VP Sara mismo,” saad ni De Lima sa kaniyang X post noong Huwebes ng gabi, Abril 29.

Aniya, “Nakita natin ang matinding pagbabanta nya sa Pangulo, sa First Lady, at sa former Speaker of the House. Ayon sa Konstitusyon, ang Bise Presidente ang papalit kapag nawala o maging incapacitated ang Pangulo. Sa pagbabanta nya sa buhay ng Presidente, hindi ba’t malinaw na may conflict?”

“These threats are real, credible, and deeply alarming. They constitute inciting to sedition,” dagdag pa niya.

Giit ng kongresista, mabigat at seryoso ang umano’y banta ng Bise Presidente, kung kaya’t dapat itong bigyang-pansin.

“Napakabigat at seryosong bagay ito na hindi pwedeng balewalain. If we fail to act on this, we do not just ignore a threat; we weaken the very foundations of accountability in this country,” anang kongresista.

“Sa pagbabantang ito, higit pa sa probable cause ang ating nakita sa impeachment proceeding, kaya nararapat lamang na umusad na ang prosesong ito,” pagtatapos ni De Lima.

Isang pagpupulong ang muling isasagawa ng komite sa darating na Lunes, Mayo 4, kaugnay sa pag-aapruba ng committee report at pagtalakay sa articles of impeachment hinggil sa complaints laban kay VP Sara.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato