Inilahad ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na maaaring mayroon pa raw silang ₱27 milyong budget para sa pagsasagawa ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaang napagbotohan na ng mga miyembro ng House Committee on Justice sa isinagawa nilang pagdinig noong Miyerkules, Abril 29, 2026, na ilipat sa plenaryo ng House ang impeachment cases laban kay VP Sara.
Sa House plenary, kinakailangang makakuha ng one-third na boto mula sa mga kongresista ang naturang impeachment case laban sa Bise bago ito tuluyang umakyat sa Senado.
Ayon sa naging pahayag ni Lacson sa panayam sa kaniya ng media nitong Huwebes, Abril 30, sinabi niyang may kabuuang ₱27,544,000 na budget ang Senado noong nakaraang taon para sa impeachment trial.
Paliwanag niya, aabot lamang sa halagang mahigit ₱500,000 ang nagastos nila mula sa nasabing budget dahil sa mga ipinagawa nilang robes at iba pang mga gastusin.
“For 2025, ₱27,544,000. Ang nagastos lang, around ₱500,000 doon sa pagpapagawa ng robes,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Initially in the information, 60 robes ‘yong ipinagawa at ₱7,000 per piece, so that’s around ₱100,000 plus other incidentals siguro na nagastos pa.”
Pagtitiyak ni Lacson, nasa ₱27 milyon pa raw ang magiging budget nila at hindi ₱26 milyon para sa impeachment trial ngayong taon.
“So there’s at least 27 million not 26 million,” saad niya.
Ani Lacson, ibabalik daw ang naturang budget sa Bureau of the Treasury (BTr) sakali mang hindi magamit o hindi matuloy ang impeachment trial laban sa Bise.
“I don’t know. Kung hindi magamit, isusuli sa treasury. Kapag hindi natuloy, isusuli sa treasury kasi in continuing of appropriations last year [at] ito magagamit lang ‘yon, e,” pagtatapos ni Lacson.
Ayon naman sa naging komento ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III nito ring Huwebes, sinabi niyang, aabot lamang sa ₱12.6 milyong halaga ang sa tingin niya ay magagastos nila.
“Yes, I think so. Siguro naman. Meron kasing budget last year, e, na in-allot sila. Dito ang tantiya namin mga 12.6 [million],” paglilinaw ni Sotto.
KAUGNAY NA BALITA: 'She's not a thief!' Kitty, dinepensahan kapatid na si VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: Pinakamalakas na ebidensya sa impeachment ni VP Sara ay si VP Sara mismo—De Lima