Ipinagtanggol ni Veronica “Kitty” Duterte ang kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte na hindi raw magnanakaw at sinungaling ang huli.
Matatandaang napagbotohan na ng mga miyembro ng House Committee on Justice sa isinagawa nilang pagdinig noong Miyerkules, Abril 29, 2026, na ilipat sa plenaryo ng House ang impeachment cases laban kay VP Sara.
Matapos ito ng isinagawa nilang apat na pagdinig sa pagsusuri ng mga ebidensyang laban kay VP Sara mula noong Marso 25, Abril 14, Abril 22, at Abril 29, tungkol sa mga bank record, reklamo tungkol sa paglabag niya sa public trust, graft, at iba pa.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, 'di ulit sumipot sa pagdinig ng House Committee on Justice
Ayon naman sa inupload na video ng Duterte supporter na si Alvin Sarzate sa kaniyang YouTube channel sa panayam niya kay Kitty noong Miyerkules (araw sa The Hague, Netherlands), Abril 29, 2026, sinabi ng huli na hindi pa raw niya sinasabi sa tatay niyang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-usad ng impeachment cases laban kay VP Sara sa Kongreso.
“I haven’t discussed that with my father because we don’t add to his burdens. With that naman I don’t want to comment on the political side of it,” pagsisimula niya.
Ani Kitty, kilala raw niya ang kaniyang kapatid at alam niyang hindi ito magnanakaw at sinungaling.
“I know my sister. I know that she can be many things but she’s not a thief [and] she’s not dishonest,” diin niya.
Pagpapatuloy pa niya, alam daw niyang kayang panindigan ni VP Sara ang pinagdaraanan nito ngayon dahil alam umano nito ang katotohanan.
“I know that she can withstand what she’s going through right now she has her truth and in the end, that will prevail” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si VP Sara at ang kampo niya kaugnay sa pag-usad ng impeachment cases laban sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Magreklamo na sila!' Rep. Luistro, bumanat sa kampo ni VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: Trillanes kay Pulong: 'Di mo kaya ipaglaban kapatid mo!’