Mariing hinamon ni House Justice Committee chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na magsampa na raw ng reklamo ang kampo ni Vice President Sara Duterte hanggang gusto nila.
Matatandaan kasing nagsampa ng reklamo ang ang mister ni VP Sara na si Atty. Manases “Mans” Carpio laban sa ilang opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at kina Luistro kasama ang tatlo pa niyang kapuwa mga miyembro ng House Committee on Justice noong Lunes, Abril 27, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Mans Carpio nagsampa ng reklamo; pilit daw siyang dinadamay sa impeachment!
Ayon sa naging tugon ni Luistro sa pagsisimula ng ikaapat na pagdinig nila sa deliberasyon ng impeachment cases laban kay VP Sara nitong Miyerkules, Abril 29, sinabi niyang hindi raw magbabago ang isang simpleng katotohanan.
“Magreklamo na sila hangga’t gusto nila,” pagsisimula niya, “Ngunit hindi nito mababago ang isang simpleng katotohanan.”
Ani Luistro, malinaw raw na nakasaad sa Konstitusyon, bilang pinakamataas na batas, na dapat laging may pananagutan ang mga opisyal ng gobyerno sa taumbayan.
Diin niya, hindi raw maaaring manaig sa mandato ng Konstitusyon ang anomang mga ordinaryong batas, partikular ang Bank Secrecy Law o Republic Act No. 1405, upang isulong ang pananagutan.
“Ano mang limitasyon na nilikha ng ordinaryong batas, kasama na ang Bank Secrecy Law, ay hindi maaaring manaig laban sa mandato ng Konstitusyon para sa public accountability,” aniya.
Pagpapatuloy ni Luistro, sila raw ang boses ng Konstitusyon at puwede silang mag-subpoena sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ugnay sa usapin ng ill-gotten wealth ng Bise Presidente at mister nito.
“Kaya nga puwede tayong mag-issue ng nararapat na subpoena at lalo na sa kaso ng impeachment, puwede nating hingiin ang report ng Anti-Money Laundering Council,” saad niya.
“Mga kagalang-galang na mambabatas, mga minamahal na kababayan, dagdagan pa natin ito and listen to this, hindi nilikha ang Bank Secrecy Law para maging taguan ng hindi maipaliwanag na yaman,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo ni VP Sara kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, 'di ulit sumipot sa pagdinig ng House Committee on Justice