Inanunsyo ng Malacañang na kumpirmado ngang idinetine at isinailalim kamakailan sa kustodiya ng Czech Republic si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Ito ay matapos ihayag ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque na hindi naman daw totoong nakulong si Co sa Prague.
KAUGNAY NA BALITA: Buwelta ng Palasyo kay Harry Roque sa pagkakatiklo kay Zaldy Co: 'Bakit natin paniniwalaan ang isang fake news peddler?'-Balita
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Abril 30, inihayag din ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang ilan pang detalye kaugnay sa nasabing usapin.
“Mr. President, you are correct in your information that Zaldy Co was detained by Czech authorities due to invalid travel documents. Iyan ang mariing kinumpirma ng Chargé d’Affaires ng embahada ng Czech Republic sa Pilipinas na si Eva Tenzin kaugnay sa naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na nahuli at na-detain si Zaldy Co at sumailalim sa kustodiya ng Czech Republic,” saad ni Usec. Castro.
Giit niya, “Walang pasubali, walang pagkakamali sa naging pahayag ng Pangulo para sa taumbayan.”
Anang press officer, naipahayag daw ito sa Pangulo sa isang pagpupulong kasama si Tenzin at French Ambassador to the Philippines Marie Fontanel kaignay sa kaso ni Co noong Miyerkules, Abril 29.
Diin ni Usec. Castro, tiniyak din daw ni PBBM na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng legal at diplomatikong paraan upang mapabalik si Co sa bansa, at mapanagot sa mga kasong kinahaharap ng dating kongresista.
Matatandaang kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Fredderick Vida kamakailan na wala na raw sa poder ng Czech authorities si Co.
Napaulat din kamakailan ang umano’y pag-apela ng dating kongresista ng isang political asylum sa bansang France.