May 22, 2026

Home BALITA National

Buwelta ng Palasyo kay Harry Roque sa pagkakatiklo kay Zaldy Co: 'Bakit natin paniniwalaan ang isang fake news peddler?'

Buwelta ng Palasyo kay Harry Roque sa pagkakatiklo kay Zaldy Co: 'Bakit natin paniniwalaan ang isang fake news peddler?'
Photo courtesy: RTVM/YT, MB


Pinalagan ng Malacañang ang mga pahayag ni dating presidential spokesperson Harry Roque kaugnay sa umano’y pagkakaaresto kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa Czech Republic kamakailan.

Ayon kasi kay Roque, hindi raw totoong natiklo si Co sa Czech Republic.

“Fake news alert: Zaldy has not been arrested. No Filipino was apprehended in Prague. Bakit Presidente pa ang nagkakalat?” saad ni Roque sa kaniyang Facebook post kamakailan.

Buwelta naman ng Palasyo, bakit naman daw paniniwalaan ang isang anila’y fake news peddler, gayong nagsalita na mismo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Department of Justice (DOJ) Sec. Fredderick Vida kaugnay sa pagkakaaresto kay Co.

“Ang Pangulo po ay nagsalita na, si Secretary Vida ay nagsalita na rin… So, bakit po ba natin paniniwalaan ang fake news peddler?” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO nitong Martes, Abril 21.

Sinagot din ni Castro ang mga tanong kung bakit wala pa umanong litrato o kahit anong video na magpapakita hinggil sa kasalukuyang estado ng dating solon.

“Kasi mayroon pong ibang country na involved. So, maingat po ang gobyerno sa pagbibigay ng anumang anunsyo,” anang press officer.

“Hayaan na lamang po natin na magtrabaho ang ating gobyerno,” dagdag ni Castro.

Samantala, kumpiyansa naman ang DOJ na maiiuwi si Co sa Pilipinas.

“Dahil ang ating hinahabol, ang ating pinipilit na mapauwi sa atin, ay naakusahan sa usapin ng korapsyon. Ito ay isang confidence na kapag tinanong ninyo sa atin, ‘Bakit confidence si Secretary Vida?’ Ito po ‘yong isang pinanghahawakan, kasi alam natin na sa Czech Republic, hindi nila kinukunsinti ang korapsyon,” saad ni Vida sa isang press briefing nito ring Martes, Abril 21.

MAKI-BALITA: DOJ, kumpyansang maibabalik si Zaldy Co sa bansa! 

Matatandaang inanunsyo ni PBBM kamakailan na nahuli si Co sa Czech Republic matapos umano itong hindi payagang makapasok sa bansang Germany.

MAKI-BALITA: Zaldy Co, 'di pinapasok ng Germany kaya natiklo ng Czech—PBBM