Pinagbawalan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng pamahalaan na magkaroon ng "travel junkets," i-adjust ang rates at allowances para sa kanilang official foreign at local trips at iba pa, nakasaad sa kanyang huling direktiba.
Naglabas ang Pangulo ng Executive Order No. 77 na nagtatakda ng mga bagong patakaran at regulasyon, at rates ng expenses at allowances para sa official local at foreign travels ng mga tauhan ng gobyerno.
Ang modified travel regulations and allowances ay ginawa sa rekomendasyon ng Travel Rates Committee, matapos ang pagrepaso sa “outdated” travel rates. Ang huling kautusan ng Pangulo ay layuning tiyakin na ang bagong travel rates ay "fairly reasonable, cost effective, and within financial capability of the government."
"All forms of travel junkets shall be strictly prohibited," mababasa sa kautusan.
"The conduct of strategic planning workshops or team building activities abroad shall not be allowed," dagdag dito.
Gayunman, papayagan ang official local o foreign travels kung ito ay kinakailangan sa epektibong performance sa mandato ng isang opisyal o empleyado o functions; para maabot ang mga pangangailangan ng isang departamento o opisina o "there is a substantial benefit derived by the State;” mahalaga ang presensiya ng tauhan ng gobyerno sa kalalabasan ng pagpupulong, kumperensiya o konsultasyon; at ang tinatayang gastusin ay hindi lalagpas sa minimum expenditure.
Ang kautusan ay nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea para sa Pangulo nitong Marso 15, at agad na nagkabisa.
-Genalyn D. Kabiling