Hinatulan ng hukuman na makulong nang 26 na taon ang isang ina makaraang aminin niya sa korte na ginamit niya sa cybersex ang dalawang niyang anak na babaeng paslit, at isa pang menor de edad.
Sinentensiyahan ni Judge Ramon Daomilas, Jr, ng Cebu City Regional Trial Court Branch 11, ang 25-anyos na ginang matapos itong pumasok sa isang plea bargain agreement kasabay ng pag-plead ng guilty sa korte nitong Miyerkules.
Inamin ng ina ang isang kaso ng attempted trafficking, apat na bilang ng child pornography, dalawang bilang ng child abuse, at dalawang bilang ng voyeurism.
Bukod dito, pinagbabayad din ang ginang ng P1.5 milyon multa at danyos.
“Engaging in OSEC (Online Sexual Exploitation of Children) is a one-way ticket to jail,” ayon naman kay Atty. John Tanagho, International Justice Mission – Cebu Field Office Director.
Hulyo 30, 2016 nang inaresto ang ginang sa entrapment operation sa Cordova, Cebu.
Batay sa record ng korte, nahuli sa akto ang ginang habang seksuwal na inaabuso ang dalawa niyang anak na babae, isang limang taong gulang at isang dalawang taong gulang, saka isasalang ang mga ito sa live streaming para sa mga online predator, kapalit ng pera.
Na-rescue ng mga awtoridad ang dalawang bata at isa pang limang taong gulang na babae, na dati na ring inialok ng akusado sa mga parukyano nito online.
Calvin D. Cordova