Aabot sa P1.1 bilyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Muntinlupa City Police sa tatlong Chinese at isang Pinoy sa magkasunod na buy-bust operations sa nasabing lungsod, nitong Martes.
Nasa kustodiya ng PDEA headquarters sa Camp Crame, Quezon City sina Chua Kian Kok, 43; Go Kei Kei, 40; Emmanuel Pascual, 79; at Li Zhao Yang, 19, pawang ng 175 Apitong Street, Ayala Alabang Village, Barangay Ayala Alabang, Muntinlupa City.
Sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang PDEA National Capital Region at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Muntinlupa Police, sa pangunguna nina PDEA Regional Director Joel Plaza at Chief Insp. Peter Aquino, sa Alabang Town Center at Ayala Alabang Village, Bgy. Ayala Alabang, dakong 5:00 ng hapon at 6:30 ng gabi.
Nasamsam sa mga suspek ang mga ebidensiya, kabilang ang P2,100,000 buy-bust money; 166 kilo ng umano’y shabu, na isinilid sa mga kahon ng tsaa; at isang green Honda Civic (WSB 955), na ginamit ng mga suspek sa transaksiyon.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at isasailalim sa inquest proceedings ang mga suspek para sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
-Bella Gamotea