HINDI sinasayang ni NLEX gunner Bong Galanza ang panibagong tsansa na ibinigay sa kanya sa PBA.
Kinuha ng NLEX matapos ang hindi naging mabungang dalawang stint sa Columbian Dyip, nabigyan ng tsansa si Galanza na maipakita ang kanyang kakayahan ni NLEX coach Yeng Guiao ngayong 2019 PBA season.
Nagtala si Galanza ng averages na 16 puntos, 3 rebounds, 2.5 steals at 1.0 assist sa nakaraang back-to-back wins ng Road Warriors na naging dahilan upang mapili siya na Cignal-PBA Press Corp Player of the Week noong Marso 11-17.
Ang 26-anyos na tubong Isabela ay umiskor ng 14 puntos, 3 rebounds at 3 steals, sa 91-70 panalo nila kontra Alaska noong Miyerkules.
Kasunod nito, nagposte ang University of the East standout ng 18 puntos, sa paggapi sa Blackwater,122-101.
Dahil dito, umangat ang NLEX sa ikapitong puwesto taglay ang 4-5, panalo-talong marka.
Napiling 46th overall ng GlobalPort noong 2015 PBA Draft, naglaro ng dalawang taon si Galanza sa Columbian kung saan hindi sya nabigyan ng kaukulang break.
Nang matapos ang kanyang kontrata, lumipat siya sa MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League) at isa siya sa nakatulong upang magkampeon ang Batangas City Athletics sa inaugural season ng MPBL sa nakalipas na season.
Tinalo ni Galanza para sa lingguhang citation sina Ginebra guard Scottie Thompson, TNT gunner RR Pogoy, Rain or Shine rookie Javee Mocon at kakapi nitong si Ed Daquioag at Phoenix shooter Matthew Wright.
-Marivic Awitan