BAHAGYANG BUMABA!
Umabot sa humigit-kumulang 2.58 milyong Pilipino ang walang trabaho, batay sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkules, Mayo 6.
Katumbas ito ng 5.0% unemployment rate sa bansa sa nasabing panahon.
Anang PSA, bahagya itong mas mababa kumpara sa naitalang 5.1% unemployment rate noong Pebrero 2026—na pumalo sa 2.66 milyong Pilipinong walang trabaho.
Samantala, mas mataas naman ito kung ikukumpara sa 3.9% noong Marso 2025—katumbas ng 1.93 milyong Pinoy.
Sa usapin ng employment, mas mataas nang kaunti ang porsyento ng mga may trabaho sa bansa noong Marso 2026, kung ikukumpara noong Pebrero 2026.
Pumalo sa 95.0% ang employment rate sa Pilipinas noong Marso 2026, mas mataas sa 94.9% noong Pebrero 2026.
Katumbas nito ang 49.07 milyong Pinoy na may trabaho noong Marso 2026, habang 49.43 milyon naman noong Pebrero 2026.
Gayumpaman, mas mababa ang talang ito sa 96.1% employment rate noong Marso 2025.
Kung saan 48.02 milyong Pilipino ang may trabaho base sa tala ng ahensya.
Base pa sa datos ng PSA, ang mga sektor na nakapagtala ng pinakamataas na “annual increase” pagdating sa employment ay ang Transportation and Storage (507 thousand); Administrative and Support Service Activities (458 thousand); Professional, Scientific, and Technical Activities (209 thousand); Construction (175 thousand); at Mining and Quarrying (147 thousand).
Samantala, naitala naman ang “highest annual decreases” sa employed Filipinos sa sektor ng Fishing and Aquaculture (-189 thousand); Manufacturing (-149 thousand); Arts, Entertainment, and Recreation (-147 thousand); Public Administration and Defense; Compulsory Social Security (-137 thousand); at Other Service Activities (-94 thousand).
KAUGNAY NA BALITA: Unemployment rate, bumaba sa 5.1% noong Pebrero 2026!-Balita