"Shape up or ship out!"
Nagbanta si Pangulong Duterte na sisibakin ang mga opisyal ng Metropolitian
Waterworks and Sewerage System (MWSS) at tutuldukan ang kontrata sa dalawang water concessionaires dahil sa umano’y pagkabigo nitong maiwasan ang nangyaring water supply interruption sa Metro Manila.
Nakipagkita ang Pangulo sa mga opisyal ng MWSS, Manila Water at Maynilad sa
Malacañang nitong Martes, at ipinag-utos na magsumite ng report hinggil sa water shortage bago mag-Abril 7 upang mapagdesisyunan ang kanilang kapalaran, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Ang pagpupulong, kung saan ibinuhos ni Duterte ang kanyang galit sa mga water officials dahil sa umano’y pagkabigong gampanan ang kanilang trabaho, ay nagtagal ng 40 minuto.
"The President told them they could have simply anticipated such shortage and could have done something about it. They had to wait for him to threaten them with personally rushing to Manila from Davao to grapple with the crisis before they moved to end it. The Chief Executive bluntly told them to ‘shape up or ship out!'" pahayag ni Panelo.
"In a stern message delivered without even once looking at the officials, the obviously outraged President threatened to fire the MWSS officials and terminate the concessionaires’ contracts," aniya.
HANDANG MAGBITIW
Handa umano si MWSS administrator Reynaldo Velasco na magbitiw kapag hindi niya nagawa ang utos ng Pangulo na maresolba ang water shortage sa Metro Manila
"Kakayanin natin 'yan. If I cannot do it, I will resign immediately," pahayag ni Velasco.
"Kasi ang sinabi lang niya shape (up) or ship out. In other words, ayusin ninyo muna. Kapag hindi ninyo maayos, go. Pinagbibigyan naman kami na ayusin kaya inaayos ko para hindi ako tanggalin,” dagdag niya.
REVAMP, INIREKOMENDA
Samantala, inirekomenda ni Senador Grace Poe na isailalim ang MWSS sa revamp, upang maglay ng mga eksperto na nakaiintindi sa lagay ng tubig sa bansa.
"Sa tingin ko hindi din nila ginagawa ang trabaho nila. Alam mo, ang nakakalungkot dito, malaki ang naging pagkukulang ng Manila Water, pero sa tingin ko, mas malaki ang pagkukulang ng MWSS,” pahayag ni Poe sa mga mamamahayag.
"Hindi nila nakita 'yong problema dahil hindi nila naintindihan," dagdag niya.
Sinabi ni Poe na kailang tumanggap ng mas maraming engineer at professional ang ahensiya dahil mas may alam ito sa water infrastructure.
-Genalyn D. Kabiling, Beth Camia, at Vanne Elaine P. Terrazola