Isang ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan dahil sa hindi gumaganang traffic light sa Ermita, Maynila, ngayong Miyerkules.

KARAMBOLA_ONLINE

Nagtamo ng minor injuries si Teresita Cabrera, 55, ng 104 A. Tolentino Street, Maginhawa Village, Bagumbong, Caloocan City, at nilapatan ng lunas sa Manila Doctor’s Hospital.

Maayos naman ang kalagayan ng dalawa pang driver na nasangkot sa aksidente na sina Dionaldo Zuniega, 67, taxi driver; at Ronie Alpuerto, 31, kapwa taga-Cavite.

National

15 katao nasawi sa pagkalunod sa kasagsagan ng Holy Week—PNP

Sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District (MPD), naganap ang aksidente sa kanto ng Taft Avenue at United Nations Avenue sa Ermita, dakong 1:00 ng madaling araw.

Una rito, binabagtas ni Cabrera, sakay sa kanyang Toyota Fortuner (VC-9520), ang eastbound lane ng United Nations Avenue at patawid sa Taft Avenue, habang magkasabay na bumibiyahe sina Zuniega, na sakay sa Toyota Vios taxi (ACC-9257); at Alpuerto, na sakay sa Mitsubishi Canter aluminum van (NBN-1926), sa northbound lane ng Taft Avenue, patawid sa United Nations Avenue.

Pagsapit sa naturang lugar, nagkabanggaan ang kanang bahagi ng SUV ni Cabrera at unahang bahagi ng taxi ni Zuniega.

Dahil dito, sumadsad pakaliwa ang SUV at muling bumangga sa kaliwang bahagi ng taxi hanggang sa tuluyang sumalpok sa poste ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1).

Samantala, ang kanang bahagi naman ng taxi ay tumama rin sa harapang bahagi ng truck.

Bilang resulta, pawang nagtamo ng pinsala ang mga sasakyan at kinailangang isugod sa pagamutan si Cabrera habang dinala sa presinto sina Zuniega at Alperto.

Kuwento ni Zuniega, bigla na lang sumulpot ang SUV kaya nagkabanggaan sila nito, habang sinabi naman ni Alperto na hindi gumagana ang traffic light sa naturang intersection, na posibleng dahilan ng insidente.

-Mary Ann Santiago