HINDI na kailangan ang bagong boxing commission para mapangalagaan at mapataas ang antas ng mga Filipino boxers, gayundin ang iba pang professional athletes.
“Kung noon pa siguro ito ginawa, baka puwede pa. Sa ngayon, sapat na ang ginawang pagbabago sa liderato at programa ni Chairman Mitra sa Games and Amusement Board (GAB), “ pahayag ni boxing promoter Liza Elorde sa kanyang pagbisita sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) kamakailan sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
“In fairness to Chairman Mitra, we know how hard he is working para mapaganda ang GAB. But to initiate change in any organization, alam naman natin lahat napakahirap,” ayon kay Elorde.
Iginiit ng manugang ni boxing legend Gabriel ‘Flash’ Elorde na maayos at napapanahon ang mga repormang isinagawa ni Mitra sa GAB, kabilang ang libreng medical at drug testing sa mga boxers, sa kabila nang kakulangan sa budget ng ahensiya.
“Talagang maraming complaint ang mga boxers, manager, match-maker at promoters sa GAB during the past, but sa panahon ni Chairman Mitra, okey na. No need to form a new boxing commission,” pahayag naman ni Johnny Elorde.
Kinalugdan ng Elordes ang inisyatibo ni Senador Manny Pacquiao nang kanyang isulong ang resolusyon para sa pagbuo ng Philippine Boxing Commission. Umani ito ng suporta sa Senado at hinihintay na lamang ang hiwalay na version ng Kongreso para maisabatas at malagdaan ng Pangulong Duterte.
Sakaling maisabatas, malilipat sa PBC mula sa GAB ang responsibilidad sa professional boxing at iba pang contact sports tulad ng MMA, wrestling at jiujutsu.
“As a boxer, dapat nating maunawaan ang paghahangad ni Senador Pacquiao na mabigyan ng importansya at maprotektahan ang mga boxers. But during the Senate hearing, sinabi naman namin na sa ngayon maayos na ang opisina ng GAB at hindi kailangan pang alisin dito ang power to regulate pro boxing,” sambit ni Liza Elorde.
“That was an offshoot of all the problems in boxing To tell you frankly, we were invited as one of the resource persons at sinabi namin ang mga problema ng GAB in the past. Siguro yun ang gusto ayusin ni Sen. Pacquiao ngayon.”
“Pero OK na ngayon sa mga ginagawa ni Chairman Mitra na pagbabago sa GAB,” aniya.
“Let’s admit it. May mga problema na sa GAB when he came. We are telling him (Mitra) about that. Hindi naman niya kasalanan. Namana lang niya ‘yun mga ills ng boxing. Madaming pagkukulang kasi nga may mga complaints ang mga managers and promoters. There are many ways na napabayaan. Alam naman nila yun,” sambit ni Elorde.
Bilang kontribusyon para mapanatili ang estado ng pro boxing, sinabi ni Elorde na muli nilang isasagawa ang Elorde Awards Night sa Marso 25 upang magsilbing inspirasyon sa kabataan.
“We have a lot of boxing talents, but only very few promoters like Joven Jimenez to Jerwin Ancajas. Mahirap at magastos mag-promote kaya we need support from both the government and the private sector,” pahayag ni Elorde, na may dalawang anak – sina (Migs at Bai) – na boxing champion at isang isang PBA basketball player (Nikko).
“Pero kahit mahirap, gusto namin madaming ma-enganyong kabataan na mag-boxing. Ngayon madami na kasi hindi nakakakilala kay Elorde, na nag-boxing at sumikat kahit nanggaling sa hirap. Tapos Sen. Pacquiao at kasunod na sina Ancajas,” aniya.
-EDWIN ROLLON