SIMULA nang pasukin ni Arjo Atayde ang pag-aartista ay sunud-sunod ang mga papuri sa kanya dahil sa pagiging propesyunal sa lahat ng bagay, bukod pa sa may ibubuga sa pag-arte nang mapanood siya sa mga seryeng E-Boy (2012), Dugong Buhay (2013) at Pure Love (2014).

Arjo

Nang napanood na siya sa FPJ’s Ang Probinsyano (2015-2017) ay hinangaan na ng husto ang aktor dahil sa pagganap niya sa karakter ni Joaquin Tuazon na ultimate kontrabida ni Cardo Dalisay (Coco Martin), bukod kay Eddie Garcia. Pagkatapos noon ay nagpakitang gilas naman siya sa drama sa Hanggang Saan (2017) kasama ang inang si Sylvia Sanchez at abut-abot din ang paghanga sa kanya ng kapwa artista niya sa umeereng The General’s Daughter sa karakter na Elai bilang may problema sa pag-iisip.

Sa nakaraang mediacon ng Bagman ay wala kaming narinig mula sa mga direktor na sina Phillip King, Shugo Praico at Lino Cayetano kundi papuri rin sa aktor dahil siya ang perfect para sa karakter ni Benjo.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Maging ang mga kasama niya sa Bagman na sina Raymond Bagatsing, Yayo Aguila, Chanel Latorre at Allan Paule ay walang masabi kay Arjo kundi, “Ang galing niya!”

At habang tinitipa namin ang balitang ito ay may sitsit sa amin mula sa ABS-CBN na maraming artista ang dadalo sa advance screening ng Bagman sa Trinoma Cinema 7 ngayong hapon, Marso 19, na kung tama ang dinig namin ay mahigit sa 100. Totoo ba ito?

Anyway, may pahabol pa kaming nakuhang magandang balita tungkol kay Arjo dahil ang limang minutong exposure niya bilang si Biggie Chen sa pelikulang Buy Bust ni Anne Curtis na napapanood na ngayon sa Netflix ay napansin ng mga hurado ng Famas at isinama siya sa kategoryang Outstanding Performance by an Actor in a Supporting Role sa nalalapit na awards night.

Pawang batikang aktor ang makakatunggali ni Arjo tulad nina Soliman Cruz, Publio Briones III, Joem Bascon, Levi Ignacio, Teroy Guzman, Gabby Eigenmann, Richard ‘Ebong’ Joson, Nanding Josef at Meggie Cobarrubias. Sila lang ni Aaron Villaflor ang masasabing baguhan sa nasabing kategorya.

Hiningan namin ng reaksyon ang aktor sa pagkaka-nominate niya sa Famas pero hindi kami nasagot hanggang sa matapos naming tipahin ang balitang ito. Nakasalang yata siya sa taping ng The General’s Daughter.

-REGGEE BONOAN