Homegrown taekwondo jin, bagong bayani sa Batang Pinoy
CITY OF ILAGAN, Isabela – Maagang nagbunyi ang home crowd sa maagang tagumpay ng kanilang atleta.
Tinanghal na unang batang gold medalist si taekwondo jin Eljay Marco Vista ng mangibabaw sa boys poomsae
cadet event sa pagsisimula kahapon ng 2019 Luzon leg ng Batang Pinoy sa San Felipe Covered court.
Sa harap ng nagbubunying kababayan, impresibo ang kilos at istilo ng 12-anyos na si Eljay para makamit ang minimithig medalya na kaagad niyang inialay sa magulang na sina Atty. Oriel at Mary Jane Vista.
“Sobrang saya ko po, gusto ko pong magcompete, salamat po ako at nanalo pa. Nabigyan ko ng kasiyahan ang mga kalugar ko,” pahayag ni Vista, Grade Six student sa Ilagan South Central Elementary School.
Ito ang unang beses na lumahok sa Batang Pinoy si Vista, bagama’t nakalaro na siya sa Palarong Pambansa noong nakaraang taon, ngunit hindi pinalad na makakuha ng medalya.
Ginamit ni Vista ang bentahe ang homecourt na siyang lalong nagbigay ng kumpiyansa sa kanya upang pataobin ang siyam na karibal.
Nagbigay naman ng munting mensahe si Vista sa kapwa niya kabataan na nagnanais matutunan ang sports na taekwondo.
“Hindi kailanman maaring gamitin sa pananakit ng ibang tao o bullying ang kaalaman sa taekwondo, bagkus ito ay dapat na gamitin sa paghubog ng disiplina habang mga bata pa,” aniya.
“Pang disiplina lang po ang taekwondo, para palagi kang fit at makaiwas sa sakit,” ayon sa black belter at iskolar ng Alab, ang sports grassroots program ng City of Ilagan.
Isang event lamang ang nilahokan ni Vista sa batang Pinoy ngunit magsisimula na umano siyang magsanay para sa evaluation sa National team, kung saan ang mapipili ay maaring ipadala ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Jordan.
Nakamit naman ni Kacey Canlas ng Olongapo City ang silver at pangatlo si Wreiley Canao ng Baguio City.
Samantala, matapos na humakot ng anim na gintong medalya sa katatapos na 2019 Age-group Championship Swimming competition na ginanap sa Japan, ang mga taga-Ilagan naman ang pahahagain ni Micaela Jasmin Mojdeh sa kanyang pagtatangka na magtala ng bagong junior national record sa pagsisimula ng swimming competition ngayon.
Bitbit ang LGU ng Paranaque, lalangoy ang 12- anyos na si Mojdeh sa 200 Individual Medley para sa kanyang unang event, kasunod ang pagsabak sa 400 IM sa 13-15 girls category.
Hawak ni Mojdeh ang marka sa 100m at 200m butterfly, habang umaasa naman ang kanyang ina na magagawa nitong makapagtala ng panibagong record sa nasabing event.
“Malaki naman po ang tiwala naming sa kanya, basta focus lang, yung national record andyan lang naman yan, makukuha’t makukuha rin yan,” sambit ng ina ni Mojdeh na si Joan.
Sasabak muli si Mojdeh bukas sa kanyang ikatlo at ikaapat na events na 100 fly at 50, habang sa huwebes naman ay ang 200m fly .
Sa iba pang resulta, dinomina ni Ian Matthew Corton ng ng Quezon City ang poomsae Junior boys sa taekwondo na sumungkit ng ginto buhat dito, kasunod si King Nash Alcairo ng Quezon Province para sa silver at si Emmanuel Christopher Austria ng Naga City para sa bronze kasama ang kakampi na si Carl John Villoria Alicia.
Sa cadet girls poomsae, nakaginto naman ang pambato ng Baguio city na si Aesha Kiara Oglayo habang silver naman ang kanyang kakampi na si Khyla Kreanzzel Guinto at bronze para sa pambato ng Paranaque na si Antonette Medallada at si Princess Mariano ng Pangasinan.
-Annie Abad