Pinosasan ang isang pulis, na absent without leave (AWOL), nang mabigong isauli ang kanyang service firearm sa loob mismo ng headquarters ng Eastern Police District (EPD) sa Caruncho Avenue, Barangay Malinao, Pasig City, nitong Lunes.
Kinilala ni EPD director, Police Chief Supt. Christopher Tambungan ang suspek na si dating PO3 Fernando Usita, 35, dating nakatalaga sa EPD headquarters, at residente ng Bgy. Pinugay, Baras, Rizal.
Sa ulat ng EPD, inaresto si Usita ng mga tauhan ng District Intelligence Unit, sa pangunguna ni Police Supt. Hendrix Mangaldan, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Rolando De Guzman ng Pasig City Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 72, dahil sa kasong Malversation of Government Property, bandang 12:45 ng hapon.
Na-monitor umano ng mga pulis na ipinapasilidad ni Usita ang kanyang apela sa kasong administratibo kaya agad na itong inaresto.
Narekober naman ang service firearm ni Usita, Glock 19 .9mm caliber pistol na may isang magazine at mga bala, sa kanyang tahanan, at ngayon ay nasa kustodiya na ng hepe ng EPD District Logistics Unit.
Nabatid na Hunyo 2018 nang magsimulang mag-AWOL si Usita dahil sa personal na dahilan kaya inirekomendang ma-demote siya ng isang ranggo.
Nobyembre 5, 2018 naman nang ilabas ng hukuman ang warrant of arrest laban sa suspek, at nagrekomenda ng P36,000 piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
-Mary Ann Santiago