ILAGAN CITY -- Pormal na sinimulan ang aksiyon sa 2019 Batang Pinboy Luzon leg sa simple, ngunit makulay na opening ceremonies kahapon sa Ilagan Sports Complex.
Pinasinayaan nina Philippine Sports Commission (PSC) commissioners Ramon Fernandez, Celia Kiram at Charles Maxey ang programa, kasama sina Mayor Evelyn Diaz, Vice Mayor Vedasto Villanueva at councilor Antonio Montereal Jr.
Ayon kay Fernandez, ang Luzon leg ang may pinakamalaking bilang ng kalahok na umabot sa 119 Local Government Units. May 73 LGU sa Mindanao at may 89 sa Visayas leg.
“This is the biggest in terms of LGU count. We have 119 LGUs. Ito yung pinakamalaki sa lahat,” pahayag ni commissioner Kiram na siyang head ng oversight committee ng Batang Pinoy.
“Batang Pinoy is the best in all grassroots program. Kasi halos lahat ng mga magagaling natin na athletes today especially from the Junior athletes dito galing sa Batang Pinoy,” pahayag ni Kiram.
Umabot ng 35 milyong piso ang halaga na inilaan ng PSC para sa pagsasagawa ng nasabing event na may 20 sports discipline.
Ngayon ang unang araw ng mga sports na swimming, archery arnis, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, futsal, karatedo, lawn tennis, pencak silat, sepak takraw, softball, table tennis, taekwondo, indoor at beach volleyball.
Ang athletics naman ay sisimulan sa Miyerkules at sa Huwebes naman ang dancesports.
-Annie Abad